Maliit na hakbang

PARA sa isang pulitiko mahirap gumawa ng hakbang para maiayos ang problema ng squatters sa kanyang nasasakupan. Lalo kapag malapit na ang eleksyon.

Kapag napagbintangan kang anti-poor, lagot ang political career mo. Pero sa sitwasyon sa ating pulitika, parang ayaw din ng mga lider na maalis ang squatters dahil sa may boto sila tuwing halalan.

Kadalasan kasi inaabuso ang sitwasyon. Pero naniniwala ako na may solusyon naman. Mga maliliit na hakbang na hindi man dagliang maiaayos ang kabuuang problema ay makapagbibigay pa rin ng unti-unting gamot, kahit papaano. Isa na rito ang mas mahigpit pa sanang panuntunan ng COMELEC para hindi madali sa isang botante na magpapalit-palit ng address at magpapalit-palit ng lugar kung saan sila boboto.

Dapat ang mga botante ay pwede lang bumoto sa lugar kung saan sila may mga pag-aari, gaya ng sariling bahay.

O kaya ang isang botante ay pwede lang bumoto sa lugar na ligal ang basehan ng kanyang pagiging residente na kung hindi man niya pag-aari ang bahay niya ay ligal niya itong inuupahan. Dapat din ay maging mas matindi pa ang parusa na ipapataw sa mga mahuhuli na naghahakot ng “flying voters” o yung mga gumagawa ng “hakot voting.”

Dapat din ay patawan ng mas matinding parusa ang mga nagkukutsabahan sa iligal na mga gawaing ito lalo ang pagpapahintulot sa mga squatter na makaboto bilang mga “absentee voter.” Ang programang “balik probinsya” ay may maganda sanang intensyon.

Maiaayos ng programang ito ang buhay ng mga kababayan natin na nagpunta sa syudad pero nabigong makahanap ng matinong pagkakakitaan. Kung hindi na sila squatters ay maiiwasan na rin na mapagsamantalahan sila ng mga pulitiko at magamit lang tuwing eleksyon.

Pero maraming kaakibat na dapat pang gawin ang programang ito tulad ng pagbibigay ng maayos na hanapbuhay sa kanila kapag bumalik nga sila sa mga probinsya.

Eleksyon na naman sa susunod na taon. Sana ngayon pa lang ay simulan na ang unti-unting pag-aayos sa problema ng mga squatter para hindi sila maabuso na naman ng mga mapagsamantalang mga pulitiko.

Kapag naiayos ang problema ng illegal squatters, maiaayos din ang halalan at mas magiging karapat-dapat ang susunod nating mga lider pulitika.

Mag text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply