Malupit si Kim Henares

KUNG gugustuhin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay may panahon pa para pigilan niya si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares sa binabalak niyang pagdaragdag ng pahirap sa taumbayan.

Gaya ng alam na nating lahat ay desidido si Henares na ipatupad na simula sa Oktubre 1 ang pagpapataw ng 12 percent na expanded value added tax sa toll fees.

Umaani nang batikos si Henares dahil maraming sektor at maging mga mambabatas ang tutol sa plano niyang ito na maningil ng karagdagan na namang buwis.

Maging sina dating Nueva Ecija Congressman Renato Diaz na siyang nagpanukala nang EVAT sa Kamara noong kapanahunan niya at si Sen. Ralph Recto na siya namang nagsulong nito sa Senado ay tutol sa planong pagpapataw ng buwis sa toll fees.

Ayon sa kanilang dalawa, hindi kasama sa itinatakda ng batas sa VAT ang toll fees sapagkat hindi naman ito produkto kundi isang uri ng pampublikong serbisyo.

Maging noong panahon ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ay ilang beses na ring pinigil ang pagpapatupad nito dahil nga sa magiging negatibong epekto nito sa pangkalahatang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa.

Ang problema ay matigas talaga si Henares at ang tanging nasa isip niya ay maaring kumita ang gobyerno nang aabot sa P4 bilyon kada taon kung maipatutupad ang VAT sa toll fees.

Sa inis tuloy ni Recto ay naobliga siyang mag-file ng bill na naglalayong alisin ang VAT sa toll at ipinaliwanag din niya na hindi kasama sa listahan ng EVAT ang mga serbisyong kauri nito.

Pero alam ko na naiintindihan ni Pangulong Noynoy ang sentiment ng taumbayan kaya naniniwala ako na siya mismo ang pipigil kay Henares para ipahinto ang malupit na hakbang na ito.

Sobrang hirap na ang dinaranas ng mamamayan at anomang uri nang dagdag na pataw sa buwis ay panibagong hagupit at pahirap sa kanila.

Mas mabuti siguro na sa halip na maningil si Kim ng bagong buwis ay paigtingin na lang nila ang paghabol sa mga malalaki at mayayamang mga tax evader at smuggler.

Iyon ang pinakamagandang serbisyo na puwede niyang magawa na kung maipatutupad niya ay maituturing pa siyang bayani ng bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply