Marina inutil sa sea tragedy – Pimentel

SA KABILA nang sunod-sunod na trahedya sa karagatan tulad ng pagkasunog ng isang fast craft sa Cebu kamakailan, walang isinasagawang matitibay na pagkilos ang Maritime Industry Authority (Marina) upang matiyak na hindi mauulit ang aksidente, ayon kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.

Ani Pimentel, maraming reklamo ang natatanggap ng kanyang tanggapan sa kawalan ng pagkilos hinggil sa kawalan ng sea worthiness at palpak na serbisyo ng mga inter-island vessel tulad ng fast craft ferries.

“Hindi na natin kailangan pang maghintay ng panibagong seryosong insidente bago tayo kumilos,” giit ni Pimentel.

Nitong nakaraang Agosto, nasunog ang M/V Island Express I malapit sa Cebu City na ikinamatay ng tatlong pasahero at isang crew.

Isang fast craft naman, ang Weesam Express 8 na sumadsad sa pampang malapit sa Talisay City noong nakaraang linggo.

“Safety of our riding public should be of paramount importance,” dagdag ni Pimentel.

Kaya, tila nagmakaawa pa si Pimentel sa Marina na magsagawa kaagad ng imbestigasyon sa aksidente sa karagatan partikular kung nilalabag ang ating batas ng responsableng partido na puwedeng papanagutin sa trahedya.

“May ulat pa na nabubulok ang serbisyo ng inter-island vessels, overbooking at namamatayan ng makina sa gitna ng karagatan na siyang nagbibigay panganib sa buhay ng pasahero,” giit ni Pimentel.

Hinikayat din niya ang Marina na magsagawa ng pagsusuri sa lahat ng inter-island vessel kabilang ang mabibilis na ferries na pangunahing transportasyon ng mamamayan kabilang ang lokal at dayuhang turista.

Inatasan din ni Pimentel ang Marina na bigyan ng kopya ng report ang Senado at kanyang tanggapan sa isasagawa nitong pagkilos hinggil sa aksidente sa karagatan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply