May saltik ang utak ni Marlene Aguilar

GUWAPITO rin kaya sa screen si Benjie Dorango ng TV5. Isa siya sa investigative reporter sa “Anggulo” noong Miyerkules ng gabi (September 14), kung saan ang tinutukan ay ang angkan ng mga Ampatuan sa Maguindanao.

Alam naming artistahin ang itsura n’ya sa personal (bagama’t may pagka-chubby siya) dahil mula alas-singko ng hapon hanggang alas siyete ng gabi nitong nagdaang Miyerkules ay katsika siya ng halos isang dosenang entertainment reporter sa Mario’s restaurant sa Morato Ave., QC. Kasama n’ya sa press conference na yon ang hepe ng News 5 na si Luchi Cruz Valdez, na siya namang anchor ng Anggulo.

Napag-alaman naming dati pala siyang dubber ng mga Korean teleserye ng ABS-CBN at isa sa mga ibinoses n’ya ay si Dao Ming Zhi ng Meteor Garden, pero pagkatapos nu’n ay naging producer siya ng magazine shows affairs sa NBN 4,  kung saan nagtiyaga rin siyang mag-train bilang news reporter. Kamakailan ay lumipat nga siya sa TV5, at walang-takot na pumayag pumunta sa Maguindanao para makihalubilo at interbyuhin ang mga apo ng mga Ampatuan du’n.

Hindi namin napanood ang Anggulo pagkatapos ng press-con dahil nasabit kami sa pakikipaghuntahan sa isang katoto sa panulat tungkol sa mga kasalaulaan sa showbiz na tinatawag ng mga journalist na “all the news not fit to print.” (Actually, mapapakinabangan din namin ang mga iyon later bilang backgrounder sa ilang column items o bilang blind items na kadema-demanda kung deretsahang ibubulgar kung sinu-sino ang mga nasasangkot.)

Ayaw siguro ni Luchie at ng higher management na ma-pre-empt ang report nila sa Anggulo nung Miyerkules ng gabing yon sa press conference na yon kaya ang ipinapanood sa amin ay yung launching report nila nung Sept. 7 na tungkol kay Jinkee Pacquiao, ang misis ng politically ambitious you-know-who (na walang-pakundangang nangangarap na maging vice president ng “mapalad” na bansang ito!)

Alam n’yo na sigurong ang pinakamatinding rebelasyon mula sa ulat na yon ay ang pagkadulas ni Jinkee na ang pinakamalaking kasalanang magagawa sa kanya ni you-know-who ay ang “magkaanak uli sa labas.” Si Jove Francisco ang lead reporter sa launching episode na yon at ayaw siguro n’yang mapalayas siya ni Jinkee, o masampal, kaya di n’ya kinulit ito na ipagtapat kung kanino may anak si you-know-who.

Actually, nakalimutan naming kulitin si Ma’am Luchie kung di ba kinulit ni Jove si Jinkee kung kanino nagkaanak ang bilyonaryong mister n’ya. Pero kinulit namin siya kung bakit di nagkalakas-loob sino man sa mga reporter nila na tanungin si Jinkee kung magkano ba’ng nagastos nito sa pagpapaayos ng mukha n’ya at pagpapakinis ng kutis n’ya. Sagot naman ng hepe, sana nga raw ay may nakaalala sa mga reporter na itanong kay Jinkee kung totoong maraming ipinaayos sa mukha at katawan n’ya. Walang takot naman naming idinagdag na kung print media entertainment reporter ang nag-interbyu kay Jinkee, tiyak na maisisingit nito na tanungin kung totoong maraming inayos sa mukha at katawan n’ya kaya ang ganda-ganda na n’ya at mas maganda na siya kay Dyan Castillejo na ang matagal nang natsitsismis na crush na crush ng mister ni Jinkee at siya umanong broker ng overpriced na property na binili nito sa Forbes Park.

Dahil walang ilaw at walang nakatutok na mikropono at kamera pag taga-print media ang nag-iinterbyu, mas relaxed ang mga iniinterbyu at mas open din sila sa pagsagot ng mga itinatanong sa kanila.

Which means mas maraming maitatanong na mas personal at mas revealing ang print media reporter kesa sa mga nag-iinterbyu para sa TV.

Sa darating na Miyerkules, ang kontrobersiyal na si Marlene Aguilar ang tutukan nila. Si Marlene ang ina ng nakakulong na si Jason Ivler. Tapos na silang mag-interbyu, actually, at isa raw sa nadiskubre nila ay kabilang umano si Marlene sa isang grupo ng super intelligent na kabataan na binigyan umano ng special training  sa pag-uutos ng diktador na si Ferdinand Marcos para magamit sila sa kung anong underground operation na malamang ay pabor sa administrasyon ng diktador.

Napanood namin ang interbyu noon ni Dong Puno kay Marlene sa show ni Dong sa TV5 din at impressed nga kami sa husay magsalita at talino ng nakababatang kapatid na ito ni Freddie Aguilar.

Maraming nagsususpetsang may saltik na ang utak ni Marlene. Abangan n’yo kung naitanong nila kay Marlene kung minsan na itong nag-undergo ng psychiatric treatment sa buhay n’ya. (Pero sabi naman ng ilang katoto namin sa media, di na raw kailangang itanong yon, dahil ang isang advantage naman daw ng on-camera interview ay mas marami naman itong naipapakita na hindi na kailangang itanong pa. Oo nga naman, in fairness to TV journalism.)

Oo nga pala, ang dalawa pang reporter ng Anggulo ay sina Maricel Halili, Ina Zara at Roices Naguit-Sibal.

Mabuti naman at hindi tungkol sa kahirapan, kapansanan, kaapihan ang Anggulo. Lately, sa pagri-review namin ng TV shows para sa Golden Screen Awards for Television, na-realize namin na kung dalawa o tatlong sunud-sunod na reports tungkol sa karukhaan, kapansanan, at  kaapihan ang papanoorin n’yo, darating ang puntong depressed na kayo, kundi man ay hostile na kayo nang walang kadahi-dahilan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply