Media sa Customs lilinisin ni Biazon

PAKIKIALAMAN ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon ang hanay ng mga mamamahayag sa loob ng ahensya ng malaman na marami sa mga ito ay mga peke o wala namang tunay na kinabibilangang entity o pahayagan.

Nakikipagkutsabahan din umano ang mga mamamahayag na ito sa mga brokers at mga opisyal ng ahensya upang mapalusot ang ilang kuwestiyunableng kargamento na nagkakaproblema sa Customs.

Isa umanong mamamahayag ang umamin na may ganito ngang kalakaran ng ilang miyembro ng media sa loob ng BOC subalit iyon ay kung may iniipit na kargamento lamang o pinahihirapan ng ilang opisyal at kailangan ng kaunting pakiusap na nagkataong kakilala naman ng mamamahayag .

Napakarami umanong nagko-cover na mga reporter, kolumnista at editor ayon sa Public Information Office ng BOC subalit 40 lamang sa mga ito ang lehitimo. Ang ibang tabloid umano ay nagpapadala ng tatlo hangang limang reporters para ikober ang ahensya.

Mayroong mga weekly tabloids na lumalabas sa ahensya tulad ng Customs Monitor, Customs Chronicle, Customs Examiner, Customs Balita, Waterfront News at NOW.

Ang mga daily news na lehitimong tabloid tulad ng Remate, Hataw at Police Files ay may mga lehitimong reporters at photographers sa nabanggit na ahensya.

May ilang mga mamamahayag ang tutol sa nakaambang paglilinis ni Biazon sa hanay ng media sa BOC.  Dapat muna umanong ayusin ng bagong komisyuner ang mga tiwaling opisyal ng ahensya at ang ismagling dito.  Hindi naman umano maaaring pigilan ang ibang mamamahayag na pumasok sa ahensya dahil sa “Freedom of the Press” bagama’t aminado ang grupo ng mamamahayag na dapat magkaroon ng listahan ng mga lehitimong media sa BOC.

Mas ganado umanong magtrabaho ang mga opisyal at empleyado ng BOC dahil sa media presence na hindi umano naiintindihan ni Biazon ayon sa isang mamamahayag.

Karamihan sa mga raid na ginawa ng RATS noong si Alvarez ang commissioner ay lehitimo dahil sa presensya ng media. Nangangahulugan umano na walang maitatago sa mata ng publiko. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply