Mga drayber, operator pinaikot sa Palasyo

TATLONG oras na walang puknat na miting ang isinagawa ng mga taga-Palasyo at mga tsuper at operator ng mga traysikel, dyipni at bus kamakalawa mismo sa Malakanyang.

Close door, Suki, ang isinagawang miting. Lahat ng mediamen pina-”back off” sa miting.

Makaraan ang miting, oki lahat ang sinasabi ng dalawang ispoksman ng Malakanyang at parang siniperan ang bunganga ng mga tsuper at operator.

Pero makaraan lang ng ilang oras, hayun at lumitaw na hindi pala oki ang usapan.

Kinabukasan o kahapon, sinimulan ng mga bus sa SLEX ang magkaraban laban sa 300% toll hike increase at pagpapatong pa rito nina PNoy ng 12% expanded value added tax sa sobrang mahal na toll.

Maraming taga-dyipni naman ang nag-anunsyo ng welga sa mga darating na araw.

Anong nangyari?

oOo

Pagsilip natin sa usapan,  hindi nga ang mga pinakamahahalagang usapin ang diniinan nina PNoy na aksyunan: sobrang oil price hike at Oil Deregulation Law.

Walang naipangako si PNoy para ibaba ang presyo ng petrolyo at wala rin ukol sa nasabing batas sa anyo ng amyenda o pagbuwag dito.

Ukol sa batas, Suki, walang sertipikasyon si PNoy na “urgent” ang panukala sa Kongreso para sa amyenda o pagbuwag.

Pera, Suki, pera na sumasayad sa palad ng mga onorabol at bulsa ng mga kompanyang langis ang ayaw galawin nina PNoy.

Dedma sina PNoy sa pagbaba ng presyo ng langis at pagbabago sa batas dahil mababawasan ang taunang P100 bilyong kita ng gobyerno at bilyon-bilyon ding kita ng mga kompanyang langis, kesehodang maghirap at magutom ang mga tsuper at operator.

Ngayon, tatanggalan umano nina PNoy ng prangkisa ang mga magwewelga?

Giyera yan!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply