Mga Pinoy mapag-aruga kapag may bayad

MAPAGMAHAL at mapag-aruga ang mga Pilipino sa mga magulang at kaanak nila na senior citizen na at di na nakakapaghanapbuhay at naubos na ang naimpok na pera sa pagtulong sa mga anak, apo, at iba pang kamag-anak (o kaya’y naubos na sa pagpapagamot nila)?

Kaya raw paboritong caregiver ng senior citizens sa ibang bansa ang mga Pinoy dahil mapagmaalasakit daw tayong mga Pinoy sa mga may edad na. Pero baka naman mapag-aruga lang tayong mga Pinoy kapag may nagbabayad sa atin para gawin ang pag-aaruga na yon.

Apat o limang special reports na yung na-review namin na tungkol sa kawalan ng pagmamalasakit ng mga anak at kamag-anak sa mga magulang nilang wala nang silbi at wala nang maibigay na pera sa kanila. Review yon para sa Golden Screen Awards for Television ng Entertainment Press Society (Enpress) na kinabibilangan namin.

Sa isang report nga ni Anthony Taberna sa “XXX” ng ABS-CBN, mismong anak na babae ang nagkulong sa matanda n’yang ina sa isang parang kulungan ng aso kung saan ang higaan ng matandang babae ay napakatigas na kahoy. Parang preso ang trato ng anak (at ng mister n’ya) sa kanyang ina na siyang nagsumikap para manatiling pag-aari ng pamilya ang bahay na tinitirhan nila.

Ang GMA Network man at GMA News TV ay may mga investigative at documentary report din tungkol sa pag-aabandona ng mga magagaling na anak sa kanilang di na makapaghanapbuhay na mga magulang.

Mabait na mga anak nga ba ang mga Pinoy? Mapag-aruga nga ba?

Actually, nakadi-depress na manood nang sunud-sunod na investigative and documentary reports tungkol sa kahirapan at krimen. Nakabibilib ang emotional stamina and stability ng mga reporter, editor at direktor na araw-araw humaharap sa paghihikahos ng maraming mga kababayan natin o sa kawalan ng katarungan para sa mga biktima ng malalagim na krimen o sa mga naulila ng mga walang-pusong pang-aabuso at karahasan. Nakabibilib na ang ilan sa mga investigative reporter ay nanatiling maganda o guwapo, artistahin ang itsura, maputi at makinis, glamoroso — at yumayaman sa propesyon nila (pero sana naman ay di yumayabang!). Nakabibilib nga na ang isang kasing ganda at kasing glamorosa ni Kara David ng GMA Network ay buong tapang na lumublob sa isang maburak na balon sa Paracale, Camarines Norte sa pag-uulat n’ya tungkol sa hanapbuhay na gold panning ng isang pamilya. Kahit ilang minuto lang siya sa balon na yon, mapanganib ang ginawa n’yang yon.

At kaya kailangang lumublob sa mistulang balon na yon ang isang miyembro ng pamilya ay para pumala ng mga putik na dinadala sa ibabaw para salain kung may gold dust na naligaw sa balde-baldeng putik sa ilog na malapit sa mga minahan ng ginto sa nasabing bayan. Hindi sa tabing ilog kinukuha ang sinasala (pina-pan, sa Ingles) kundi sa kailaliman na ng ilog. At hindi na buhangin ang sinasala nila, kundi putik na.

Pami-pamilya na pala ang involved sa gold-panning ngayon (o baka naman noon pa ay ganu’n na, bagama’t wala nga kaming kaalam-alam tungkol sa hanapbuhay na ito mali- ban sa ilang paintings ng mga babaeng gold panner na nakita namin sa isang gallery noon). Sa report nga ni Kara, binalikan lang n’ya sa Paracale ang isang sampung taong gulang na bata na na-cover n’ya noon na tumutulong sa pag-aahon mula sa balon ng balde-baldeng putik. Sa pagbabalik n’ya makalipas ang maraming taon, binata na ang bata–at isa na siya sa lumulublob sa balon para pumala ng balde-baldeng putik. Ganun pa rin naman ang ginagawa ng kanyang ama–at ng kapatid n’yang kagagradweyt pa lang sa elementary (at di-siguradong makakapag-high school).

Halos anim o walong oras na nanguha at nagtining ng putik ang pamilya. May nakuha naman silang gold dust na sila na rin ang nagproseso para maging katiting na ginto. Nabenta naman nila ang produkto nila, pero matapos nilang bayaran ang upa nila sa air compressor na ginamit nila, pati na rin upa sa bangka at bayad sa gasolina sa bangka, wala pang isang libong piso ang natira sa pamilya.

Ewan kung ilan lang ang nakakatiyagang manood ng investigative and documentary reports tungkol sa paghihikahos at mapanganib na hanapbuhay. Pero sa mga nakatitiyagang manood ng mga iyon, lalo na sa mga lumaki na nagtiis din sa kapobrehan ng pamilya nila, madidiskubre nilang mas mapalad pa rin sila. Siguro naman ay aarugain nila nang may pagmamahal ang mga magulang nila pag di na makapaghanapbuhay ang mga ito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply