Mga reklamo ng bayan

BINIGYANG pansin naman ngayon ng ating kolum ang iba’t ibang reklamo mula sa masusugid na mambabasa ng REMATE. Mula sa personal na reklamo hanggang sa reklamong para sa bayan na ang makikinabang ay ang mga mamamayan.

Unahin natin ang reklamo ng isang dating empleyado ng Muntinlupa City. Ayon sa texter, tinanggal siya at ang kanyang kasama ng alkalde ng nasabing lungsod na si Mayor Aldrin San Pedro may isang taon na ang nakalilipas.

Aniya, may isang taon na rin ang ginagawa nilang pagpapabalik-balik sa Muntinlupa City upang kunin ang bayad sa kanilang credit leave subalit hindi umano sila hinaharap ni San Pedro at staff nito.

Lubhang masama ang loob ng mga tinanggal sa serbisyo dahil matagal na nilang inaasam na makuha ang bunga ng kanilang pinaghirapan subalit parang walang plano ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa na bayaran sila.

“Nakasasama talaga ng loob dahil matapos namin siyang iboto ay tinanggalan niya kami ng trabaho at ngayon ay ayaw pang bayaran,” anang nawalan ng hanapbuhay.

Iginiit ng nagrereklamo na kailangang-kailangan niya ang pera dahil bukod sa wala siyang trabaho dahil hirap na siyang makakuha bunga ng kanyang edad ay pawang nag-aaral pa ang kanyang mga anak.

“Sana, sa pamamagitan ng PAKUROT  ay maantig ang matigas na puso ng aming alkalde at pakinggan na ang aming hinaing,”  dagdag pa ng dating empleyado ni San Pedro.

Ito pa ang isang reklamo mula naman sa residente ng Abad Santos sa Maynila na nasasakupan ng Manila Police District Station 2. Ayon sa texter, dahil malapit na ang Pasko, laganap na naman ang mga iligal na gawain sa kanilang lugar.

“Pakigising naman ang mga natutulog sa pansitan na mga pulis sa Station 2 dahil marami na naman ang mga holdaper, snatcher at slasher sa aming lugar lalo na ang malapit sa Shell, 7 eleven at Jollibee,” pahayag ng concerned citizen.

“Parang gusto ko nang maniwala na ang mga pulis din ang may alaga sa mga kriminal sa aming lugar dahil kapag nahuli ang mga ito ay ilang minuto o oras ang lilipas at laya na naman sila.”

Naku, ayaw ni Mayor Alfredo Lim ng ganyan. Galit si Lim sa mga pulis na naglalagay ng dungis sa uniporme na dating isinusuot niya. Kaya naman makatitiyak ang PAKUROT na iuutos ng butihing alkalde kay Chief Insp. Mar Reyes, hepe ng City Hall Action and Police Assistance o CHAPA ang pag-aresto hindi lang sa mga masasamang loob kundi maging sa mga alagad ng batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga ito.

Isa pang reklamong binigyan pansin ng ating kolum ay ang laganap daw na bentahan ng droga sa nasasakupan ng Abad Santos Police Station o Manila Police District Station 7. Hindi naman umano kumikilos ang mga pulis ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) at maging ang Station 7 Anti-illegal Drugs (SAID) upang sugpuin ang bentahan at paggamit ng bawal na droga sa nasabing lugar.

Ano kaya ang dahilan at hindi kumikilos ang mga pulis na nakatalaga sa nasabing unit? Walang pondo ang pamahalaan na ibinibigay sa mga pulis upang magtrabaho?

O baka naman patong na ang mga pulis na noong unang maupo sa puwesto ay pursigidong manghuli at magbigay ng accomplishment sa kanilang unit?

Siyempre, pera na nga naman ang usapin sa bagay na ito. Mahirap tumanggi sa kinang ng pera? Kaya lang alalahanin ninyo ang balik ay karma.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya, pamahalaan o pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi _lean-11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply