Misis na bumaril sa asawa sa mall kakasuhan

SASAMPAHAN ng kasong murder ng Quezon City Police District ang ginang na bumaril at nakapatay sa kanyang asawa at security guard sa loob ng SM North Edsa sa Quezon City Miyerkules ng gabi.

Ang biktimang si Abel Macapugay, 32,residente ng Hagonoy, Bulacan at promodizer ng Homeworld Appliance Center sa SM North Edsa ay idineklarang dead on arrival sa Quezon City General Hospital sanhi ng tinamong isang tama ng bala ng kalibre .38 baril sa kanyang ulo.

Habang ang biktimang si Ricardo Inamac III, 24, guwardiya ng basement ng SM North Edsa ay binawian din ng buhay sa nasabing pagamutan dakong 12:30 ng madaling araw sanhi naman ng tinamong tama ng bala sa kanyang likuran at kaliwang hita.

Arestado naman ang suspek na si Shiela Bigting–Macapugay, 25, asawa ni Macapugay at residente Longos, Pulilan, Bulacan.

Batay sa isinumiteng ulat ni SPO1 Florencio Escobido ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, may hawak ng kaso, naganap ang pamamaril dakong 7:30 ng gabi sa basement ng SM North Edsa,QC.

Nauna rito, hiniwalayan umano ni Macapugay si Shiela noong Enero 2011 kung saan nagkaroon sila ng isang anak at nakisama umano sa ibang babae ang una.

Dahil dito, pinuntahan ni misis si mister sa trabaho nito sa basement ng kumpanya at kinompronta hinggil sa kanilang relasyon ngunit nagmatigas umano ang lalaki na hiwalayan ang babae.

Dahil dito, bumunot ng baril ang babae sa kanyang bag at binaril sa ulo ang kanyang mister .

Pagkaraan ay itinutok naman ng babae ang baril sa kanyang sintido para magpatiwakal subalit inawat naman ito ng biktimang guwardiya ng mall at sapilitang inaagaw ang baril sa suspek.

Dahil dito, binaril ng suspek si Inamac sa likod at hita bago muling itinutok ang baril sa kanyang ulo at kinalabit ng dalawang beses ngunit hindi pumutok.

Dito na umeksena ang isa pang guwardiya na si Efren Sungcayawon at inagaw ang baril sa suspek bago ito inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply