Miyembro ng kilabot na carnap group natimbog

SUGATAN ang isang miyembro ng notoryus na Bait carnapping group matapos na makasagupa ang mga tauhan ng MPD Anti-Carnapping and Hijacking Unit nang maispatan silang nang-aagaw ng motorsiklo kaninang madaling araw sa Sampaloc, Maynila.

Inoobserbahan ngayon sa Philippine General Hospital (PGH) ang suspek na si Jack delos Santos, alyas “Diego,” 33. Sa imbestigasyon ni SPO2 Rodrigo Guina, dakong alas-4:45 ng madaling araw nang harangin ng grupo ni Jr.  Bait kasama si delos Santos ang mag-asawang sina Lenny at Melvin Reyes sakay ng kanilang motorsiklong Yamaha Mio Soul na itim sa may Retiro kanto ng Sisa st., Sampaloc, Maynila.

Ayon sa mag-asawang Reyes,galing umano sila sa palengke ng Blumentritt at papauwi  na nang harangin sila ng limang suspek na sakay sa apat na motorsiklo at pilit silang pinababa sa kanilang motor at pinadadapa habang nakatutok ang baril sa kanila. Ang isa umano ay sinakyan ng isang suspek at agad na pinasibad.

Sa ‘di kalayuan, mga 15 metro ay kasalukuyan namang nagsasagawa  ng follow up operation ang mga tauhan ng MPD-ANCAR na kinabinbilangan nina PO3 Manuel Pancho, PO3 Arman Marquez, PO1 John Aldielon nang matiyempuhan ang pangyayari sa lugar.

Ayon kay Pancho, napansin niyang pinadadapa ni delos Santos ang mag-asawa kaya agad siyang lumapit ngunit biglang humarurot ang suspek.

Dahil dito, napilitan si Pancho na magpaputok kung saan bumagsak ang sinasakyang motor ng suspek nang tamaan ito sa likod at tuhod na nagresulta naman ng kanyang pagkakaaresto.

Sa photo file gallery, positibo namang kinilala ng mag-asawa ang mga nakatakas na sina Ernesto Gutierrez, Jr. ,alyas Jr. Bait, Jackie Bruce Ang at inilarawan na may taas na 5’6-5’7, kayumanggi, malaki ang pangangatawan, may peklat sa kaliwang kilay ang isa habang may taas na 5’4, maputi,balingkinitan ang katawan ang isa pang suspek na nakatakas.

Narekober naman ang gamit ni Delos Santos na motorsiklo Honda Air Blade na pag-aari naman ni Cesar Uson ng Malate, Maynila na una nang kinarnap noong Setyembre 13 matapos itong harangin ng naturang grupo.

Nakuha din sa suspek ang kalibre .45 Taurus at mga buhay na bala.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Carnapping Law (RA 6539) at Illegal Possession of firearms and ammunitions (RA 8294) si delos Santos. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply