MMDA, DPWH pag-uusapan ang trapikong sanhi ng project delays

HAHATAKIN ng Metro Manila Development Authority Development Authority (MMDA) ang mga kagamitan ng mga contractor na nakahambalang sa kalsada sa oras na hindi nito matapos ang kanilang mga proyekto sa itinakdang panahon.

Ito ang sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino patungkol sa balakin ng ahensya na mapabilis ang mga konstruksyon sa mga pangunahing kalsada.

Sa pulong na magaganap ngayong Biyernes, Setyembre 2, sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, Maynilad at mga pribadong kontraktor, pag-uusapan ang mga hindi pa natatapos na road re-blocking at pagkukumpuni na siyang nagiging sagabal sa trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Ayon kay Tina Velasco, tagapagsalita ng MMDA at general manager for planning, nais nila ng paglilinaw mula sa mga opisyal ng DPWH sa mga isyu upang makagawa ang MMDA ng mga desisyon hinggil sa trapiko.

Sa 14 na target areas ng DPWH sa re-blocking ay lima lamang ang natapos sa itinakdang paggawa ng mga ito sa mahabang holiday break noong Agosto 27 hanggang 30 kaya’t nang sumapit ang regular na pasukan ng klase at trabaho ay nagsikip ng husto ang trapiko.

Ang pagkaantala rin ng mga pipe-laying sa EDSA-Guadalupe sa lungsod Makati ay malaki rin ang implikasyon sa paglala ng trapiko kaya’t kanilang tatanungin ang mga ito kung kailan matatapos ang kanilang mga proyekto at magpaliwanag kung bakit hindi nila matapos ang mga ito sa itinakdang panahon.

Balak din ng MMDA na maglagak ang mga kontraktor ng mga “bond” upang kung sakaling ‘di nila matapos sa oras ang kanilang mga proyekto ay makumpiska ang mga bond na ito pabor sa pamahalaan.

Oobligahin din ng ahensya ang mga kontraktor na magpaskil ng pangalan ng kanilang mga kumpanya at mga numero ng telepono sa lugar na kanilang ginagawa upang malaman ng mga mamamayan kung kanino sila maaaring magrereklamo. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply