MMDA nag-abiso sa mga motorista para sa ‘alay-lakad’ bukas

NAGPALABAS na ng abiso ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na iwasan ang pagdaraan sa magkabilang panig ng kahabaan ng Roxas Boulevard mula Anda Circle hanggang President Quirino Avenue bukas (Sabado, Setyembre) dahil isasara ito upang bigyang daan ang pagdaraos ng “Alay Lakad Para sa Kabataan Day.”

Bukod sa Roxas Boulevard, sarado rin sa daloy ng trapiko ang magkabilang panig ng P. Burgos mula Lagusnilad hanggang Bonifacio Drive, Finance Road at T.M. Kalaw hanggang Taft Avenue dahil sa inaasahang pagdagsa ng mahigit kalahating milyong kalahok sa alay lakad.

Ang lahat ng sasakyang magmumula sa area ng Pasay ay puwedeng kumanan ng Quirino Avenue, kaliwa ng Taft Avenue patungo sa kanilang destinasyon habang ang mga tumatahak na pampasaherong dyip sa Mabini St. ay dapat kumanan ng Quirino o Pedro Gil patungo ng Taft Avenue.

Ang mga sasakyan namang magmumula sa hilagang bahagi na patungong Roxas Boulevard ay dapat kumaliwa ng A. Soriano, na lalabas ng Magallanes Drive, kanan ng Taft Avenue patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga cargo truck naman na magmumula sa Road 10 ay hindi na papayagang makarating pa sa Del Pan bridge at pakakaliwain na sila sa Capulong, patungo ng kanilang destinasyon.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, asahan na ang mabigat na daloy ng sasakyan sa naturang mga nabanggit na lugar kaya’t nararapat lamang na umiwas na lamang dito ang mga motorista.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply