MMDA tutulong sa bagong LTFRB chief vs kolorum

TUTULONG si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa bagong upong chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maubos na ang mga kolorum na sasakyan sa mga lansangan.

Ayon kay Tolentino, makikipagpulong siya kay incoming LTFRB Chair Jaime Jacob upang pagtulungan nilang masugpo ang pamamayagpag ng mga kolorum bus sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Umaasa si Tolentino na sa pag-upo ni Atty. Jacob, mabibigyan ng kalutasan ang matagal ng problema sa mga kolorum buses at iba pang pampublikong sasakyan na posibleng nabibigyan ng proteksyon ng ilang tiwaling opisyal sa naturang ahensiya.

Nauna nang binatikos ng ilang grupo ng transportasyon ang pagkakatalaga kay Jacob bilang kapalit ni Nelson Laluces sa paniwalang kulang ang kaalaman ng batikang abogado sa pagpapatakbo ng ahensiya.

Gayunman, tiwala naman si Transportation Secretary Mar Roxas sa kakayanan ni Jacob dahil umupo na rin ito bilang chairman ng Presidential Anti-Graft Commission sa termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Kumpiyansa naman ang MMDA chief na mawawalis na nila ang mga kolorum na pampublikong sasakyan sa oras na tutukan na ni Jacob ang matagal ng problema na isa ring dahilan kung bakit nagsisikip ang daloy ng trapiko.

Ani Tolentino, lahat ng mga paraan ay kanyang ginagawa kabilang ang pinakahuling programa na tagging scheme o pagpipinta ng plate number sa bubungan, tagiliran at likuran ng mga pampasaherong bus upang mawala na ang mga kolorum na pag-aari rin naman ng ilang lehitimong bus operator na nakikipagsabuwatan sa mga tiwaling opisyal ng LTFRB, Land Transportation Office (LTO) at maging sa ilang tiwaling opisyal ng ahensiya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply