Mr. Palengke o Mr. Perhuwisyo

NATATARANTA si Transportation Secretary Mar Roxas sa nagaganap na reklamo ng mga nasa industriya ng transportasyon at mamamayan.

Sa kanyang departamento kasi sumisingaw ang lahat ng sakit na ang pamahalaan mismo ang may gawa o may sala.

WELGA VS OIL COMPANIES

Sa kalsada sumingaw ang reklamo ng mga tsuper at operator ng mga sasakyan at mamamayan laban sa kasibaan ng mga kompanya ng langis.

Ang gusto ni Roxas ay dapat sa Kongreso o sa Malakanyang dinaraan ang solusyon dito.

Pero siguradong alam ni Roxas na waepek ang katwiran nito basta hindi mabibigyan ng linaw ang lintek na oil price hike na yan.

TOLL HIKE

Yang toll hike ay malaki ring sakit sa ulo ni Roxas.

Akalain mong nakabibigla talaga ang sobrang pagtataas ng toll sa lahat ng mga highway.

Subukan lang mismo ni Roxas ang magdala ng kalakal at dumaan sa mga highway na ito ng kahit dalawang round trip lamang.

Lugi sa negosyo ang aabutin nito dahil lalamunin lang ng toll ang kanyang dapat na kita sa negosyo.

MAHAL NA LANGIS AT MAHAL NA TOLL

Talagang isang bangungot o sumpa ang pinagsamang mahal na langis at toll.

Wala nang pupuntahan ang mga negosyante kundi ang masiraan ng ulo.

Paanong hindi ka masisiraan ng ulo kung lalamunin na ng mahal na langis at toll ang iyong kita, pati puhunan mo nanganganib din.

Wala pa akong naririnig na negosyante na nagsasabing kikita sila sa mahal na langis at toll.

Yang mga kompanya ng langis at ang pamahalaan lamang ang kikita rito nang limpak-limpak.

EVAT SA TOLL AT PETROLYO

Napakabigat na nga ang oil price hike at toll na naging 300 porsiyento, pinatungan pa ang mga ito ng Expanded Value Added Tax.

12% EVAT, mga Bro, ang nakaambang ipatong sa toll simula sa Oktubre 1, 2011.

At alam ba ninyo kung paano hahatiin umano ang EVAT na ito?

Nasa tatlong porsiyento lang umano ang mapupunta sa gobyerno pero mapupunta ang malaking bahagi nito sa mga may-ari o may hawak sa
mga highway bilang tax credit ng mga ito.

MAHAL NA PANINDA

Dahil sa nagkapatong-patong na oil price hike, toll at EVAT sa buhay ng mga nasa transport industry at negosyante, siyempre magmamahal ang mga paninda para makabawi ang mga negosyante.

Babawiin at babawiin ng mga ito ang kanilang gastos sa mga ito para hindi sila malugi at tumigil sa pamamasada at pangangalakal.

SOBRANG MAHAL NA BILIHIN

Siyempre pa, mararamdaman naman ng mamamayan ang pagmamahal ng mga bilihin.

Kapag humiling ang mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan ng fare increase o pagtataas ng pasahe, lalong aangal ang mamamayan.

Mabigat yata ang magkakambal na mahal na pamasahe at mahal na mga bilihin.

MR. PALENGKE MASISIRAAN

Itong si Sec. Mar Roxas ay tiyak na masisiraan ng bait bilang negosyante at mamimili.

Mawawalan kasi ng saysay ang islogan nito na siya si Mr. Palengke.

Tatak ng Mr. Palengke ang murang bilihin at pagkakaroon ng sapat na suplay ng lahat ng kalakal sa mga palengke.

Paano magkakaroon ngayon ng murang bilihin kung pinagpapatungan ang mga ito ng mahal na langis, mahal na toll at mahal na EVAT?

Paano ka aasa ng sapat na suplay ng kalakal sa palengke kung mapaparalisa ang industriyang transportasyon dahil sa langis, toll at EVAT?

NATATARANTA SI MR. PALENGKE

Aminin man o hindi ni Mr. Palengke, nakasisira sa kanyang mood ang mga problemang ito.

Kaya naman sumugod siya sa lansangan sa kasagsagan ng tigil-pasada nina Ka George San Mateo at nag-sermon doon.

MR PERHUWISYO

Pagkasugod niya sa lugar na malapit lang sa kanilang Araneta Center, akalain ba nating idineklara ni Mr. Palengke sa mga raliyesta na perhuwisyo!

Eh hindi siya inatrasan ni Comrade Teddy Casiño.

Natameme si Mr. Perhuwisyo sa katotohanang ang mga kompanyang langis ang tunay na perhuwisyo at hindi silang raliyesta.

Nabinyagan na tuloy si Mr. Palengke na Mr. Perhuwisyo.

Hehehe.

UZI TEXT

Text ng mga UZIserong buwisit na sa sistema.

DAYUHAN NAGLIPANA

Sa Camarines Norte naglipana ang Chinese nationals. Sabi ng aming Gob. Egay Tallado, mga investor daw sa mina ng iron at magdadala ng employment. Pero walang ECC ng DENR. Puro sample lang at kilo-kilo ang ginto dito. Yumayaman na si  gob at mga Intsik.

Buhay sa bakal, ginto, silver at iba pa at itong mga Pinoy ay nababaril at nakukulong dahil sa agawan ng butas ng mina. Sana malagay sa dyaryo mo ang hinaing naming nagmamahal ng kalikasan.
Doc Cerdena po, dating EIIB. +63908216….

BACKPAY ‘DI IBINIBIGAY

Gud day, sir, Pakikalampag naman ang Soliman Security Services Inc. Kasi  hanggang ngayon hindi pa rin ibinibigay ang backpay ng mga guwardya ng Coke. Buti naman kung hinihingi yan. Eh pinagpaguran naman namin iyon. Kung hindi naaawa, eh, makunsiyensiya man lang sila. +63999365….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply