MRT, LRT ibebenta kaya nagtataas ng pasahe – Villar

MALAKI ang paniniwala ni Sen. Manny Villar na gustong ibenta ng administasyon sa magandang halaga ang Metro Rail Transit at Light Rail Transit (MRT-LRT) kaya nagkukumahog ang Palasyo sa implementasyon ng pagtataas ng singil sa pasahe.

Sa isang interview sa radyo kaninang umaga ay sinabi ni Villar na nararamdaman niya sa unang pagdinig ng Senate committee on economic affairs na nagmamadali ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na itaas ang singil sa pasahe upang mahimok ang pribadong sektor na bilhin ang dalawang mass rail transit system.

“Ang paniniwala ko dito sa ating unang hearing, nagmamadli silang taasan ito para maibigay sa pribadong sector. Hindi naman dapat iyan,” ayon kay Villar.

Sa halip na magtaas ng pasahe, sinabi ni Villar na dapat magbigay muna ng komprehensibog pamamaraan ang LRTA sa Senado ng paraan kung paano mababawasan ang gastusin ng ahensiya sa operasyon at palakasin ang ibang pinagkakakitaan nito, pero hanggang ngayon, walang isinusumite ang LRTA.

“Sa aking paniniwala, hindi pa napapanahon at ang dapat sana na una munang gawin ng mga nag-ooperate ng LRT ay magbigay muna ng pamamaraan para magtipid at makababa ng cost ng kanilang operasyon,” aniya.

Aniya, kailangan rebyuhin ng LRT ang ginagstos nito sa operasyon tulad ng maintenance at kuryente at magsagawa ng kaukulang pamamaraan na makatipid at mabawasan ang suportang ibinigay ng pambansang gobyerno.

Nitong Martes (Setyembre 20), inihain ni Villar kasama sina Sen. Ralph Recto at Joker Arroyo ang Senate Resolution No. 602 na nagpapahayag ng damdamin ng Senado upang ipagpaliban ang implementasyon ng pagtaas sa singil sa pasahe sa LRT at MRT kabilang ang toll fees.

Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon bilang suporta ay sina Sens. Gregorio Honasan, Antonio Trillanes IV, Loren Legarda, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Ramon Revilla Jr., Vicente Sotto III at Ferdinand Marcos Jr.

Ibinasura din ni Villar ang pahayag ng Palasyo nang tanggihan ang resolusyon dahil kailangan lamang umanong pagpaliwanagan ang mga senador sa pangangailangan na itaas ang singil sa pasahe at toll fees.

“Binigyan na po namin sila ng pagkakataong maipaliwanag sa aking komite, tatlong beses namin silang inimbita at wala naman kaming nakitang magandang paliwanag doon para itaas iyan,” patapos ni Villar.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply