Naghahanap ng katotohanan

MATAPOS ang tatlong sunod-sunod na issue ng ilang mga iligal na gawain sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prisons na itinuturo ng letter sender na isang Froilan Tresteza, alias Poypoy, commander ng Batang City Jail, ang may pakana, nakatanggap ng sulat ang PAKUROT na nagsasabing hindi totoo ang mga nalathala sa ating pahayagan na sangkot ang commander ng BCJ  sa hulidap, droga at pagmamaltrato sa kapwa preso.

Sa sulat na pirmado ni Trestiza (tamang baybay), sinabi niya na basahin ko lang ang nilalaman ng kanyang liham para sa katotohanan, katarungan at pantay na pamamahayag. Aniya, noong una, wala siyang plano na pabulaanan ang nalathala na base sa sulat ng isa ring preso na nagsasabing miyembro rin siya ng BCJ.

Iginiit ni Trestiza na walang basehan at malisyoso ang mga akusasyon ng sumulat. Layon, aniya, ng letter sender na sirain ang kanyang pangalan at kredibilidad bilang lider ng Pangkat na kanyang pinamumunuan sa loob pa lang ng apat na buwan simula nang magbago ang pamunuan ng Bureau of Corrections.

Hindi lang daw ang kanyang reputasyon at dangal ang nais na linisin ni Poypoy kundi maging ang sa kanyang mga kapwa opisyal at miyembro sa Pangkat. Hindi lang daw siya ang sinisira ng nagpadala ng liham kundi maging ang katotohanan. Mali ang mga akusasyon na ibinato sa kanya.

Sa kanyang pagtanggi sa mga akusasyon, iginiit ng commander ng BCJ na hindi nila pinapayagan ang mga bisyo na lumaganap sa kulungan  na sisira sa kanilang samahan at bilang patunay, ang kanyang Pangkat ang nagbigay ng impormasyon sa pamunuan ng Bureau of Corrections upang salakayin ito ng Special Weapons and Tactics Team noong Agosto 4, 2011 kung saan may limang gramo ng shabu ang nakumpiska.

Aniya, bunga ng  pamumuno at pakikiisa ng kanyang kasamahang opisyales ng Pangkat na mabigyang disiplina ang kanilang hanay, kinikilala ngayon ang kanilang samahan bilang may pinakamalinis na record sa usapin ng illegal vices sa pambansang piitan.

Itinanggi rin ni Trestiza na lumalabag siya sa mga patakaran ng samahan. Hindi rin umano siya nananakit ng kapwa preso tulad ng impormasyong ibinigay ng umano’y presong naninira sa kanyang magandang sinimulan.

Bilang patunay na walang katotohanan ang akusasyon sa kanya ng nagpadala ng liham, gumawa ng manifesto ng pagsuporta ang kanyang mga kasamahan sa piitan na inilakip naman ni Trestiza sa kanyang liham.

Naunang hiniling ng nagpadala ng liham na nag-aakusa kay Trestiza na maimbestigahan ng Department of Justice ang mga nangyayaring iligal sa piitan. Ngayon, ipinipilit ni Poypoy na mag-imbestiga ang kapwa walang kinikilingan na investigative journalists group at government investigative body upang mapatunayan kung talagang may nagaganap na katiwalian sa kulungan at mahubaran ng maskara ang mga sangkot.

Itinanong ni Trestiza kung saan matatagpuan ang nagpadala ng sulat. Hindi upang saktan kundi upang paliwanagan umano na hindi nito batid ang patakaran ng samahan sa piitan dahil hindi ito totoong miyembro ng BCJ.

Iginiit nito sa kanyang liham na hindi dapat binigyang importansya o binigyan ng espasyo ng inyong lingkod ang liham ng sumulat dahil wala naman daw itong ebidensiya at nararapat lang na bumagsak sa basurahan.

Nais ko lang pong ipaalam kay Ginoong Trestiza na lahat po ng reklamo at sumbong ay binabasa at pinag-aaralan ng PAKUROT bago ilathala. Nabigyang-pansin ang pagsisiwalat ng letter sender dahil layon ng ating kolumn na maituwid ang mga pagkakamali o katiwalian sa pamahalaan.

Bagaman itinatanggi ni Poy-poy na miyembro nila ang nagbibigay impormasyon sa atin, malaki ang paniniwala ko na isa sa mga kasama niya sa piitan ang nagsusumbong dahil noong Miyerkules pa lang ay nai-text na niya sa inyong lingkod ang manifest of support na pinaikot sa loob ng MSC ng NBP.  Kaya naman inilathala ko rin ito noong Agosto 26. Malalaman ba ito kaagad kung nasa ibang pangkat?

oOo

Sa lahat po ng nagbigay ng tulong, nakiramay, nakidasal at nakiisa sa pagdadalamhati ng aking pamilya sa pagkamatay ng aming inang si Ofelia, ipinaaabot po namin ang aming  taos pusong pasasalamat sa inyo at sa inyong pamilya. Pagpalain nawa tayo ng Maykapal.

Kung nais po ninyong ibahagi ang karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya at pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari po kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply