Nasaan na si Bro. Eli Soriano?

NASAN nga ba ngayon ang pamosong televangelist na si Bro. Eli Soriano? May tsismis na nagtatago raw siya sa ibang bansa dahil wanted siya dito sa Pilipinas for something or another.

Wala nga yata siya sa bansa pero parang hindi naman siya nagtatago. Papaano sasabihing nagtatago siya eh patuloy namang ipinapalabas sa UNTV ang evangelical program n’yang “Itanong N’yo Kay Soriano (Sasagutin Ko Kayo ng Bibliya)?” Alam namin yan dahil tatlong magkakasunod na madaling araw kaming sinumpong na panoorin ang nasabing programa kamakailan.

Mukhang ang yaman na ng religious congregation na pinamumunuan ni Bro. Eli: nakaka-afford sila na mag-satellite open forum!

May mga chapter na ang kongregasyon (na Church of God o Iglesia ng Diyos yata ang pangalan) sa mga probinsya at siyudad sa labas ng Metro Manila.

Parang may chapter na rin yata sila pati na sa Macau. Gina-gather muna sa mga chapter ang mga di nila karelihiyon na gustong magtanong kay Bro. Eli at pagkatapos ay isina-satellite conference (o baka naman teleconference lang) kay Bro. Eli ang pagtatanong nila at ang palaging mahabang-mahabang pagsagot ni Bro. Eli mula sa kung nasaan man siya na hindi n’ya binabanggit. (At dahil nga siguro sa di n’ya pagbanggit sa kung nasaan siya kaya pinagkakamalan siyang nagtatago.)

At sa tuwing sasagot siya, may kinalaman man sa relihiyon o wala ang tanong, mabilis siyang nakakaisip ng mga bersikulo sa Bibliya na may relevance sa tanong. Mabilis ding naipa-flash ang biblical verse sa screen habang binabasa ng isang babaeng miyembro ng kongregasyon na ang tawag ni Bro. Eli ay “Luz.” May isang episode na si Daniel Razon ang anchor at isa sa mga tagabasa ng mga bersikulo.

Si Daniel ang big boss ng UNTV, pamangkin siya ni Bro. Eli, opisyal siya ng kongregasyon, at may ilang shows siya sa  UNTV.

Tiyak na may electronic file na ng Bibliya ang kongregasyon di lang sa Tagalog kundi pati na sa iba’t ibang lengguwahe sa bansa, kaya pagkabanggit na pagkabanggit pa lang ni Bro. Eli ng bersikulo ay naipa-flash na agad yon sa screen. Pati nga Chinese electronic version ng Bible ay meron din ang kongregasyon, at ginamit yon nung may Filipino-Chinese sa Macau na nagtanong kay Bro. Eli. May sistema at may technology na talaga ang kongregasyon para sa malawakang televangelization!

Oo nga pala, alam naming on-the-spot kung makaisip si Bro. Eli ng biblical verse na may kinalaman sa itinatanong sa kanya, dahil talagang master na n’ya ang bibliya. Nakadalo na kami noon, bilang reporter, sa isang session ng Itanong Mo Kay Soriano. Mga limang reporter kami. Pinagtanong kaming lima on-the-spot nang one at a time, kaya siguradong hindi siya nakapaghanda kung sa ano’ng biblical verse ikukunekta ang isasagot n’ya sa amin. Pero yun nga, sa bawat tanong namin, may sagot siyang may kinalaman sa biblical text.

Kung may contest siguro ang mga Kristyano sa pagri-recite ng Bibliya from cover to cover, ‘ika nga, tiyak na isa si Bro. Eli sa mga magwawagi. Baka nga kaya n’yang i-recite ang Bibliya kahit na sa Ingles. (Just a little aside: Kaya rin kaya ni Bro. Eli na i-recite ang Bibliya backwards, that is, mula sa last verse ng last book and ending with the opening line of Genesis? Alam n’yo bang there was a time na may ganu’ng contest ang mga Muslim sa pagri-recite ng Koran, the Muslim’s holy book, forward and backward?)

Pwede pa sigurong pagdudahan ang spiritual maturity ni Bro. Eli, pero mahirap pagdudahang he is very intelligent and very well read. Sa pagsagot n’ya ng mga tanong sa kanya, nakakapagdiskurso rin siya tungkol sa world history of religions, sa science at maski na sa ecology.

Oo nga pala, huwag kayong manood ng programa n’ya kung madali kayong mapikon tungkol sa relihiyon n’yo. Baka mabato n’yo siya sa screen ng TV n’yo kapag natiyempong ang relihiyon n’yo ang ipino-point n’ya ang sa pagkukuro n’ya ay mali ang doktrina o practices. Wala siyang pasintabi at pakundangan sa pagsasabi ng para sa kanya ay maling doktrina ng ibang relihiyon o kongregasyon na ang pangalan ay tahasan n’yang sinasabi.

Pero kung talino, linaw at logic ng pagsasalita tungkol sa Bibliya ang hanap n’yo, mag-i-enjoy kayo kay Bro. Eli.

Oo nga pala, maraming non-religious shows sa UNTV. Pati nga pre-pageant activities ay kino-cover din du’n. Sabi nga ng publicist nilang si Adjes Carreon sa Facebook account n’ya, mas impressive pa nga raw ang coverage nila kesa ru’n sa ibang mas kilalang networks. May correspondents na rin kasi sila sa iba’t ibang bahagi ng mundo kaya di sila nahuhuli sa pagrireport tungkol sa world events.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply