National broadband network project ‘di prayoridad ni PNoy

HINDI prayoridad ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang pagsusulong ng national broadband network project na naging kontrobersiyal noong nagdaang administrasyon.

“At that point, nagkaroon lang ho ng diskusyon wala naman hong pang naging follow-up, wala ho akong naalalang naging resolusyon. As of the moment, there are other pressing matters that the President is attending to,” ayon kay Deputy Presidential spokesperson Atty. Abigail Valte.

Inamin ng opisyal na may panukala ang Department of Science and Technology (DoST) na maglunsad ng global broadband network.

“Kasi nga po kung sakaling magkakaroon ng ganito, iyong interconnectivity po talaga iyong magiging pinakamagandang bunga po ng ganyang klaseng proyekto at mababawasan ang communications cost ng pamahalaan,” anito.

Sa ulat, walang nakikitang problema si Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez kung buhayin man ng Aquino administration ang kontrobersyal na national broadband network project na nahaluan ng anomalya noong nakaraang administrasyon.

Wala umanong masama sa naturang proyekto kung magiging transparent ang implementasyon nito.

Sinabi pa ni Bishop Iñiguez, chairman ng public affairs committee of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kung makakatulong naman ang government broadband network (GBN) sa bansa at hindi mahahaluan ng korapsyon ay maaari itong isulong.

Ang broadband network project ay layong mapabilis ang “connectivity” ng lahat ng mga ahensiya ng gobyerno.

Kinakailangan umano itong pondohan ng P800 million na malayo sa ginagastos ng pamahalaan sa internet connection.

Maaalala na noong 2007, nabunyag na lomobo ng $329 million ang national broadband network project dahil sa ipinataw na “patong” ng ilang government officials.

Tinuran naman ni NBN-ZTE scandal whistleblower na si Joey De Venecia III, na wala siyang nakikitang problema sa hangarin ng kasalukuyang administrasyon na maipagpatuloy ang proyekto, kung saan inaasahang makakatipid ang pamahalaan sa gastos nito sa komunikasyon.

Subalit dapat umanong tiyakin ng Pangulong Benigno Aquino III na magiging transparent ang negosasyon sa kontrata. Kris Jose

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply