No vacancy sa mga bagong doktor

KUNG ikaw ba’y nakapasa bilang doktor, matitiyak mo na bang magkakaroon ka kaagad ng trabaho?

Lalo na sa public employment o trabaho sa gobyerno?

Negative, mga Bro.

WALANG PONDO

Kuwento sa atin ng ilang bagong doktor o kapapasa lang nitong nakaraang board exam, hindi madali ang pagpasok bilang government doctor.

Ang dahilan ay simple: walang pondo.

Kung may pondo man para sa mga bagong doktor, may nakasusukang kondisyon.

KKKK NINA KONG, MAYOR

Ang KKKK o kamag-anak, kumpare, kaklase at kaibigan ang pinakamalakas palang qualification para makapasok si bagong doktor sa gobyerno.

Eh ano kung number one ka sa board exam kung hindi ka naman KKKK nina Kong, Mayor o Gob o iba pang malalakas sa gobyerno?

‘Di bale nang pasang awa ka basta KKKK ka ng mga may hawak ng poder.

Kasi nga limitado ang pondo.

Kakatiting na nga lang umano ang inilalaan nina PNoy na pansahod sa mga bagong doktor, kung may kukunin man, mas lalong kakatiting ang maibibigay ng mga lokal na pamahalaan.

MOONLIGHTING

Dahil sa kawalan ng pag-asa ng mga bagong doktor na magkaroon ng trabaho sa gobyerno, kailangan nilang mag-moonlighting.

Ang moonlighting sa mga pulis ay pagiging bouncer sa mga klab, escort sa mga inililibing at kung ano-ano pa para lang kumita sila bukod sa kanilang sahod.

Pagsa-sideline o paeks-tra-ekstra ang ibig sabihin nito.

Yung moonlighting din na iba ng mga pulis ay maghanap ng mga patay para ikontak nila sa mga punerarya.

Hindi ko sinasabing nangsasalbeyds ang mga ito para meron lang silang pagkakitaan, PNP chief Nick Bartolome, sir.

SUMASABIT SA CONSULTANTS

Paliwanag ng mga bagong doktor, hindi katulad sa moonlighting ng mga pulis ang sa kanila.

Kapag mag-moonlighting sila, sasabit sila sa ngalan ng isang doktor na regular employee ng isang ospital o clinic.

Doon sila magsisilbing extra o assistant sa mga operasyon at pagbabantay sa mga pasyente.

Wala silang parte halimbawa sa professional fee ng consultant.

Pero doon sa pagbisi-bisita sila magkakaroon ng kita.

May bayad ang bawat bisita ng doktor at hindi libre gaya ng akala ng marami.

Kung kikita ang consultant ng malaki bilang professional fee gaya ng P80,000 pataas sa mga operasyon, yang pagbisi-bisita naman na may bayad na P500 hanggang P1,000 plus ang kita ni moonlighter.

SIPAG LANG SA PAGBISITA, KITA NA!

Ayon sa mga moonlighter, hindi naman sila magugutom.

Lalo na kung masipag umano silang mag-aplay sa mga ospital para mag-moonlight.

Kumikita sila at maaaring hindi naman magugutom ang kanilang pamilya kung sakaling mag-aasawa at magkakaanak sila.

Pero ang pinagkakakitaan pala nila talaga ng husto ay ang dami ng mga maysakit.

Sobra-sobra umano ang mga nagkakasakit kaya todo kayod sila sa pag-extra-extra.

DELIKADO ANG MOONLIGHTING

Pero hindi pala ganun kasaya ang moonlighting.

Oras na sumabit sila, bahala sila sa sarili nila.

Halimbawa sa mga sisi ng mga namamatayan o paglala ng
sakit ng mga pasyente.

PATAY KANG DOKTOR KA

Kapag namatay ang pasyente o lumala ang sakit ng maysakit, pupwede umanong maging Poncio Pilato si consultant.

Kaya kapag inginuso sila ng mga consultant sa mga kamatayan at lalong pagka-kasakit ng mga pasyente, anak ng pitong putakte, kailangan na nilang magtago?

Kasi sila ang laging nakikita ng mga pasyente na nagtse-check up at nagpapainom ng gamot.

Kapag na-overdose ang pasyente o kinulang ng gamot o mali ang gamot na naibigay sa kanya, si moonlighter ang lagot.

Itong si Hayden Kho ba, eh, moonlighter noon ni Dra. Vicky Belo?

Nagtatanong lang po.

Hehehe!

60% ANEMIC

Sa ulat sa atin, 60 porsiyento ng 90 milyong Filipino ang anemic.

Kapag anemic ka, madali kang magkasakit.

Maraming anemic dahil sa hirap ng buhay.

Yang mga obrero nga lang na 36 milyon, iilan lang ang maalwan sa buhay at nakakakain ng masarap at balanced diet.

Karamihan na riyan ang kulang sa pambili ng pagkain kaya sila anemic at nagkakasakit.

5 MILYONG BATA MALNOURISHED

Isa pang ulat na dumarating sa atin ang limang milyong malnourished na bata mula sa baby hanggang sa Grade 6.

Kita naman ninyo kung gaano sila kadaling maospital o mamatay sa dengue, lagnat, sipon at kung ano-ano pa.

KUMUHA NG DOKTOR

Dahil sa dami ng mga anemic at malnourished, kinakailangan ang doktor.

Kung hindi man makayanan ng gobyernong nasa matuwid na daan na mapakain ng sapat ang mga ito, kahit magamot man lamang ang mga ito kung sila’y magkakasakit.

Kailangan ang malaking pondo para sa pagkakaroon ng mga doktor sa serbisyo publiko.

O DOH Secretary Ona, dapat mong ipaglaban ito.

At kung maempleyo sila, dapat yung tiyak na magtatagal sila sa serbisyo. Hindi yung hahayaan na lang natin sila na magpa-extra-extra.

EXTRA INCOME NG GURO

PAKIKALAMPAG naman po ang DepEd ng Talavera, Nueva Écija.
Kasi naman, hanggang ngayon marami pa ring titser sa Brgy. Calipahan ang nagtitinda para sa extra income.
Concerned lamang kaming parents. Sa dami na kasi ng nababalitaang food poisoning at kung ano-anong paninda na made in China na mayroong magic sugar. Isama na rin po ninyo yung mga pagkain sa mga bangketa sa labas ng school +63917434….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply