Oktubre 1

ANG petsang Oktubre 1 ang kinatatakutan ng karamihan sa mga motoristang dumadaan sa mga expressway o sa mga may toll fees.  Ito ay dahil sa 12% Value Added Tax (VAT) na ipapataw ng toll operators sa lahat ng magdaraan dito. Ang mga expressways na sisingil ng VAT ay ang NLEX, SLEX, SCTEX, South Metro Manila Skyway, Star Tollway, at ang Manila-Cavite Expressway.

Nitong linggo lang ay naghain ng House Bill 5171 si Partylist Rep. Homer Mercado ng 1-UTAK. Ang sinasabi sa HB 5171 ay “to seek the exclusion of toll operators from the meaning of SALES OF SERVICES” na kung saan ay napapailalim sa VAT ang mga expressway na aking nabanggit ayon sa National Internal Revenue Code. Ngunit ilang linggo na lang ang natitira at sigurado akong wala pang mangyayari sa House Bill na yan pagsapit ng takdang araw. Ganun pa man ay gusto kong pasalamatan si Rep. Mercado sa kanyang pagsisikap.

Ayon sa spokesman ng Toll Regulatory Board (TRB) na si Julius Corpuz, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nagpapatupad ng tax laws at pinagtibay ito ng Korte Suprema nung kanilang inalis ang Temporary Restraing Order (TRO) ukol sa paglagay ng VAT sa toll fees.

Mahal na ang mga produktong petrolyo, mahal na ang toll, siguradong magmamahal pa ang bilihin. Napakatuwid nga naman ng mga daan.

***

Sa lahat ng ahensya ng gobyerno na aking napuntahan ay pangkaraniwan lang na ikaw ay maghihintay, minsan ay saglit lang pero minsan naman ay matagal. Pero sa mga karanasan kong naghintay ako mabilis man o matagal ay may resulta naman ang aking paghintay. Nakakainip man pero natapos mo naman o nakuha mo ang kailangan mo. Ngunit hindi ganito ang aking karanasan sa unang pagpunta ko sa Metro Manila Development Authority (MMDA).  Ako ay nagtungo sa tanggapan ni MMDA Traffic chief Atty. Yves Gonzalez sa 3rd flr. ng MMDA Building kasama ang aking camera crew para sa isang maikling panayam at para personal na ring imbitahan siya sa aking radio program na Inside Motoring sa DZRJ 810 a.m. Hindi po ito ambush interview ha. Ito po ay kumpirmado mismo ni Atty. Gonzalez. Ang usapan namin ay 1 p.m.-2 p.m. Nung malapit na mag ala-una ay nakatanggap ako ng text message sa kanya na nagsasabing “MAKE IT 2PM. I HAVE EMERGENCY MEETING WITH CHAIRMAN AT 1PM.”  Syempre naiintindihan naman natin ang trabaho ni Atty. Gonzalez kaya naghintay pa rin kami sa labas ng kanyang tanggapan. Nang ako’y bumaba para bumili ng softdrinks ay nakatanggap ako ng text sa aking cameraman na sila’y pinababa daw sa ground floor. Nakita ko ang aking crew sa labas ng tanggapan ni MMDA Chairman Francis Tolentino. Ang sabi ko pa ay ayos ito. Baka puede rin mainterview si Chairman. Pero iba ang nangyari. Lumabas si Atty. Gonzalez sa tanggapan ni Chairman at ang akala ko ay mag-uumpisa na kami ng interview. Hindi pa rin! Ang nangyari ay inutusan pa niya akong itext ang isang Ma’am Tina Velasco para daw magpaalam kung pwede ko siyang mainterview. Public service nga naman o! Ako naman na parang sekretarya niya ay dali-daling kinopya ang numero ni Ma’am Tina mula sa cellphone in Among Attorney. Tapos sabi ni Amo ay mga 3 p.m. ok na tayo sa interview.  Maghintay na lang kayo uli sa aking tanggapan sabi niya. Bumalik kami sa 3rd floor at aking tinext si Ma’am Tina para magpaalam. Ang sagot niya, “thank you for the interest. i have to seek chairmans clearance 1st protocol.  he is in an impt mtg kindly wait. ty!”  Iyan ang eksaktong sagot niya sa akin. Aba e alas-kwatro na wala pang nangyayari o sagot. Muli akong nagtext kay Amo at kay Ma’am Tina na kung pwede ay ireschedule na lang ang panayam. Ang reply ni Amo ay sorry and “I’ll make it up to you.”  Samantalang wala na akong nakuhang reply kay Ma’am Tina hanggang ngayon na aking napag-alaman ay MMDA Spokesperson pala.  Marahil ay hindi siya Textperson ano?

Ok lang naman maghintay pero hindi ok maghintay sa WALA! Amo, next time sana wag naman ganun. At ingat rin sa pagsisigarilyo ha. Aking napag-alaman na nahuli ka pala sa isang public area na naninigarilyo. Napagsabihan at nawarningan ka tuloy ni Chairman Tolentino ayon kay Spokesperson Velasco.

***

Hinirang na bagong Hepe ng Bureau of Customs si dating Rep. Ruffy Biazon ng Muntinlupa. Ang kanyang pinalitan ay si dating Commisioner Lito Alvarez. Ang mensahe ko sa dalawa: Sana po ay maging matatag kayo sa paglaban sa small and bigtime smugglers Commisioner Biazon. Congratulations! Commisioner Alvarez, happy golfing po!

***

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operators nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply