Operasyon ng colorum na vehicles

ISA sa unang naging mga kautusan ni Department of Transportation and Communications Sec. Mar  Roxas ang pakikipaglaban sa colorum

vehicles.

Kapuri-puri ang hakbang na ito ni Sec. Roxas dahil kung ating susuriin, ang problema sa operasyon ng colorum vehicles ay nakababagabag na.

Sa araw, linggo, buwan at taon na lumilipas, parami ng parami ang tumatakbong colorum na pampublikong pampasaherong sasakyan.

Ito’y dahil sa pakiwari natin, hindi seryoso ang gobyerno sa pagpapairal ng batas para matuldukan ang operasyon ng colorum vehicles.

Pero ngayong si Sec. Roxas ang piloto ng ahensyang may kinalaman sa transportasyon, tila baga, bilang na ang araw ng colorum cars.

Ang sibakan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay senyales ba na paiiralin na ang reporma sa ahensya?

Noong nakaraang linggo, hinirang ng Pangulong  Noynoy Aquino si Jaime Jacob, dating opisyal ng Presidential anti-Graft Commission.

Ayon sa ulat, si Jacob na recommendee  at ‘unanimous’ choice ni Sec. Roxas na mamuno sa LTFRB ay sinasabing magaling na opisyal.

At malaki raw ang paniwala ni Sec. Roxas na malilinis ni Jacob ang LTFRB sa mga tiwaling opisyal at kawani.

O siya, hamon natin kay Sec. Roxas, unahin na niyang linisin ang kanyang  bakuran sa Cubao, Quezon City ng mga colorum vehicle.

Sa Farmers Plaza kung saan nakatira ang kalihim, naku, eh, naghambalang ang pumipilang colorum na may biyaheng Antipolo City.

Nasa Cubao rin ang pilahan ng mga colorum na may biyaheng Sta. Rosa, Laguna, Malolos, Bulacan at Deparo, Novaliches. May colorum

din na biyaheng Montalban na ngayon ay Rodriguez, Rizal.

Sa mga terminal ng FX/AUV sa Taft Rotonda, ang mga colorum na patungong Cavite ay mas marami pa sa bilang ng mga ligal na biyahero.

Sa Alabang, na patungong CALABARZON  ay gayundin katalamak ang mga colorum.

Kung track record ang pagbabasehan, walang duda na masusugpo ni Sec. Roxas ang problema ng kolorum sa bansa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply