Operasyon ng MRT hahabaan dahil sa tigil-pasada

IPINAHAYAG ngayon ni Transportation Secretary Mar Roxas na ii-extend nila ang operation hour ng Metro Railway Transit bunga ng isinasagawang transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston).

Sinabi ni Roxas na naging maayos naman ang pag-uusap nila ni George San Mateo, secretary-general ng Piston, ukol sa kanilang isinagawang transport strike.

Binigyang-diin ni Roxas na kanilang ipapatupad ang batas at kailangan lamang na respetuhin ng transport sector na mag-i-strike na karapatan din ng iba na makapagpasada.

Ayon kay Roxas, posible na habaang ang operation hours ng MRT kung kinakailangan o kung maraming commuter ang mai-stranded sa lansangan.

Tiniyak din ni Roxas na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang maibsan ang hirap na dinaranas ng publiko.

Ang transport strike ay sa gitna ng nakaambang pagpapataw ng VAT sa toll at ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ipinaliwanag ni Roxas na kinakailangang maipatupad ang VAT sa toll dahil sa ito ay hinatulan na ng Korte Suprema.

Iginiit rin ni Roxas na kailangang pabuksan sa mga kumpanya ng langis ang mga libro nito upang makita kung tama ang ipinatutupad nitong presyo at bahagi din umano ito ng Oil Deregulation Law.

Nagpasalamat naman si San Mateo kay Roxas dahil si Roxas lamang ang tanging kalihim na bumaba sa kanilang picketline at nakipag-usap sa kanilang hanay.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply