Overfishing kinondena ni Bong Revilla

MATAPOS maulat na komukonti na at lumiliit ang mga karaniwang isda sa bansa dahil sa overfishing, iginiit ngayon ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr.,  na gawing departamento na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Naghain ang senador ng panukalang-batas para itayo ang Department of Fisheries and Aquatic Resources (DFAR) na ang magiging pangunahing tungkulin ay ang tiyakin ang preserbasyon at maayos na pagpapaunlad sa marine resources ng bansa.

Sa kasalukuyan, ang nasabing responsibilidad ay nakaatang sa BFAR, isang ahensiyang nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA).

Sinabi ni Revilla na isang malaking pagbabago ang mangyayari kapag naitatag ang DFAR dahil bibigyan nito ng ibayong proteksyon ang marine resources ng bansa dahil aniya ang Pilipinas ay mayroong malawak na anyong-tubig.

“Bilang isang bansang may malawak na anyong-tubig at mayamang yamang-dagat, pangingisda ang pangunahing pinagkikitahan ng malaking bilang ng mga Pilipino. Iwawasto ng ating panukala ang bias na pagtutok ng gobyerno sa mga agrikultura at bibigyan nito ng kaukulang atensyon ang ating mangingisda,” pinunto niya.

Naniniwala si Revilla na nararapat lang na gawing kagawaran ang BFAR upang magkaroon ito ng sapat na manpower at mas malaking pondo para epektibong malutas ang mga problemang kinahaharap ng pangisdaan at yamang-dagat ng bansa.

Hinalimbawa niya ang napabalitang nababawasan na ang populasyon at sukat ng mga small pelagic fish species gaya ng sardinas, matambaka at galunggong.

Ang mga small pelagic species, na mura at karaniwang pinagkukuhanan ng protina ng mga ordinaryong Pinoy ay sumasaklaw sa limampung porsiyento ng mga nahuhuling isda sa bansa.

Batay sa national stock assessment program ng BFAR, may sampung fishing ground sa bansa kung saan nangyayari ang overfishing, ito ay ang Lingayen Gulf, northern Zambales, Visayan Sea, Camotes Sea, Honda Bay, Babuyan Channel, Lagonoy Gulf, Sorsogon Bay, Hinatuan Bay, Dinagat Bay at Davao Gulf.

“Kung magpapatuloy ang pag-abuso sa ating mga major marine ground, makakasama ito sa ating  ekonomiya.  Nakasalalay dito ang ating fishing industry. Kung mabibigo tayong matugunan ito, magreresulta ito sa unemployment,” ani Revilla.

Tinukoy sa ulat ng Western and Central Pacific Fisheries Commission na may 1.5 milyong katao ang nagtratrabaho sa fishing industry ng Pilipinas at tinatayang $769 milyong halaga ng isda kada taon ang ini-export ng bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill 1989, magbabalangkas at magpapatupad ang DFAR ng Monitoring Control  and Surveillance System (MCSS) para sa pangisdaan at karagatan sa national at regional levels. Titiyakin nito na ang yamang-dagat ng bansa ay nagagamit nang tama at napangangasiwaan nang maayos.

Magsasagawa ito ng mga hakbang para sa konserbasyon, proteksyon at rehabilitasyon ng mga endangered marine species at ng tirahan nito.

Dagdag pa ni Revilla: “Papalakasin ng ating panukala ang mga programa ng pamahalaan hinggil sa food  production upang matugunan ang pangangailangan ng lumalaking populasyon ng bansa. Importante ang maayos na pangangasiwa ng pangisdaan at yamang-dagat sa pagtataguyod ng food security.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply