P100-M pekeng produkto winasak ng BOC

WINASAK ng Bureau of Customs ngayong umaga (Martes, Setyembre 13) ang libu-libong mga pekeng produkto na nagkakahalaga ng P100 milyon na kasama sa mga nakumpiska sa mga bodega na ginagamit na imbakan ng mga ismagler ng mga ipinuslit na kargamento.

Ayon kay Customs Commissioner Angelito Alvarez, ang mga pekeng produkto ay kinabibilangan ng kilalang brand name tulad ng Louis Vuitton bags, Lacoste, Nike, Adidas na sapatos at relos.

Gawang China ang mga nasabing produkto na ikinakalat sa mga tindahan kung saan nakabibili ng mga gamit sa murang halaga gaya ng 168 mall at iba pang bargain centers sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Nilinaw ni Alvarez na ang mga sinirang produkto ay bahagi ng mga nakumpiska noong isang taon at ng P300 milyong nakumpiska noong isang buwan.

Tumagal umano ang pagsira sa mga pekeng produkto dahil sa mga proseso tulad ng pag-isyu ng mga subpoena sa mga consignee, at brokers na sangkot,ang pagbibigay impormasyon sa mga brand owners at mga pagdinig ayon sa mga regulasyon ng batas at korte.

Sa rekord na naitala ng Intellectual Property Rights Office ng Pilipinas, pinuri ang BOC sa pagkasamsam ng P1.3 bilyon halaga ng pekeng produkto mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.

Noong Agosto lamang ay dalawang tagumpay na pagsalakay ang naisagawa ng Intellectual Property Rights Division ng BOC sa pamumuno ni Atty .Zsae Carrie de Guzman sa Binondo area, kung saan nakumpiska ang mga pekeng produkto na nagkakahalaga ng P1 bilyon.

Ang pagwasak na isinagawa sa Harbor Center sa pamamagitan ng mga malalaking shredding machine ay dinaluhan at sinaksihan ng IPOPHL, US Department of Homeland Security at lehitimong manufacturers ng mga branded na produkto.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply