P2.5-B agri funds inutang ng multo – Drilon

NABABAHALA si Sen. Franklin Drilon na hindi na makokolekta ng pamahalaan ang mahigit P2.5-bilyon pondong ipinautang ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Agriculture Competiveness Enhancement Fund (ACEF) dahil pawang mga multo ang tumanggap ng pondo.

Ayon kay Drilon, natuklasan ng Senate committee on finance, na puro mga ghost borrower ang nabigyan ng pautang sa ACEP na nilkha ng Kongreso upang tulungan ang mga magasaka at kooperatiba na mapaunlad ang sektor ng agrikultura.

“Dahil dito, hindi na makokolekta ng gobyerno ang mahigit sa P2.5 bilyong halaga ng pautang,” himutok ni Drilon.

Base sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit (COA), daang-daang kompanya ang nakinabang sa pautang ng DA mula 2000-2009, na karamihan ay noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ngunit hindi na makita ng COA ang lumilitaw na ghost borrowers.

Hinala ni Drilon na may nagbukas ng isang business venture upang makakuha ng pondo sa multi-bilyong pautang ng gobyerno, na tiyak na may kasabwat sa ilang dating opisyal ng DA at tumanggap ng agricultural support fund dahil walang kinukuhang kolateral ang pangungutang at walang interest.

“The government is clearly prejudiced in this case because the amount could not be collected anymore since these are clearly ghost borrowers,” ayon kay Drilon, chairman ng Senate finance committee.

Sa ulat ng COA, ipinadala ang letter of confirmation sa mga borrower ngunit negatibo ang resulta. Sa 264 confirmation letters na ipinadala sa borrowers, 140 lang ang hindi sumagot para sa balance na nagkakahalagang P2.1 bilyon at 27 na may balanseng P370 milyon ang nagbalik ng liham sa COA sanhi ng iba’t ibang kadahilanan.

Nabigo namang bayaran ng benipisyaryo ang mahigit P66.4 milyon inutang dahil nagsara ang kompanya na lubhang naapektuhan ng bagyo.

Ayon pa sa COA, may pautang na aabot sa P1 milyon ang hindi na makokoleta dahil namatay ang umutang, kapos sa address o hindi kilala ang umutang.

Sa ginanap na budget hearing sa DA noong nakaraang 2010, natuklasan na isang Lyndon Tan, may-ari ng Basic Necessity na malapit kay dating Agriculture Secretary Arthur Yap, ang tumanggap ng mahigit P38 milyon na utang mula sa ACEF. Umaabot lamang sa P2.5 milyon ang nabayaran nito noon.

Natuklasan din ni Drilon na noong 2008, hiniling ni Tan sa DA na magkaroon ng restructure sa kanyang utang saka itinalaga siya bilang miyembro ng ACEF Executive Committee noong 2008, sa ilalim ng pamunuan ni Yap.

“We do not want to see a repeat of this again,”  ayon kay Drilon na nagsabing isasabay ang imbestigasyon dito sa natuklasang “farm-to-pocket road fund.”

Itinayo ang pondo upang sakupin ang maliliit na negosyante sa agrikultura kabilang ang sektor ng pangisdaan, out-of-school youth, nagsipagtapos ng anumang kursong may relasyon sa agrikultura at kooperatiba.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply