P38.7B badyet ng ARMM, pinakamataas sa kasaysayan

SA kabila ng may pinakamataas na insidente ng kahirapan sa buong bansa, makakakuha ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ng P38.7 bilyon bilang badyet sa 2012.

Iniulat ni Sen. Franklin Drilon na maliban sa P12.468 bilyon panukalang badyet sa national expenditure program sa 2012, makakakuha nang hiwalay na P11.5 bilyon ang ARMM mula sa budget ng Department of Public Works and Highways para sa proyektong pangkaunlaran.

Makakakuha rin ang rehiyon ng P14.2 bilyon mula sa Internal Revenue Allotment (IRA) kabilang ang P560 milyon mula sa Priority Development Assistance (Fund PDAF) o mas kilala bilang pork barrel.

“In total, the national expenditure program would call for allocation of P38.7 billion to the ARMM including GAA P12.46 billion,” ayon kay Drilon.

Umaabot sa P11.8 bilyon ang kasalukuyang badyet ng ARMM.

Ngunit, ayon kay Drilon, ikinokonsidera ngayon ang badyet ng ARMM bilang badyet ng Aquino administration para sa ARMM na pinakamataas sa kasaysayan ng rehiyon.

Noong 1991, nagsimula ang ARMM sa P792 milyon na badyet. Sa susunod na taon, aabot sa P12.468 bilyon.

“This is the highest in the history. So the total of the ARMM for 2012 is actually P38.75 billion,” ayon kay Drilon.

Ipinaliwanag pa ni Drilon na simula nang maisabatas ang ARMM Organic Law noong 1991, na kung tutukuyin lamang ang GAA, umabot na sa P123.6 bilyon ang inilaan ng pambansang pamahalaan sa ARMM sa loob ng 20 taon bukod pa ang inilaan ng iba pang ahensiya ng pamahalaan mula noong 1991.

Naniniwala si Drilon na hindi nagtagumpay ang eksperimento sa local autonomy sa ARMM kabilang ang pagbibigay ng ibang kapangyarihan sa rehiyon dahil hanggang ngayon, ang rehiyon ang siyang may pinakamataas na insidente ng kahirapan sa buong bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply