P7.5B ‘farm to pocket roads’ nadiskubre

HINDI pa nasisimulan ang paglilitis sa anim na kasong plunder na isinampa sa Office of the Ombudsman, namumuro na naman sa ganitong kaso si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo hinggil sa nawawalang P7.5 bilyong farm-to-market road funds.

Ibinulgar nitong Linggo ni Sen. Franklin Drilon na kasalukuyang pinag-aaralan ngayon ng Senate committee on finance ang expenditure program ng Department of Agriculture noong 2010 matapos matuklasan na nawawala ang P7.5 bilyon para sa pagtatayo ng kalsada sa kabukiran.

“Nadiskubre ito sa Oversight Committee on Public Expenditures, kasama sa committee on finance, na kung saan isinusumite ng mga ahensya ang mga pondo na kanilang natanggap at nagastos. Isa rito, nakita natin nung nakaraang administrasyon, between January 2010 to June 30, 2010, P7.5 billion was released for farm-to-market roads. Ito po ay panahon ng election,” ayon kay Drilon.

“Ating tinitignan kung ito ay napunta sa ‘farm-to-pocket roads’ or ‘roads to my farm,’ or wala talagang nangyari rito, wala kang makitang kalsada at wala ‘yung pondo ng pamahalaan at ito po ay ating tinitingnan,” dagdag niya.

Sinabi ni Drilon na may aktuwal na pagpapalabas ng pondo sa iba’t-ibang munisipalidad sa buong bansa sa loob ng naturang panahon ngunit hindi matagpuan ng DA kung saan itinayo ang kalsada o karamihan naman ay nagkakapatung-patong ang proyekto sa iisang lugar.

“May flyover na yung farm-to-market road dahil patung patong yung farm-to-market roads taun-taon. Isa po yan sa ating tinitignan. Kaya ganoon ang tinanong natin at ganoon ang sagot ni Sec. Alcala dahil alam niya na nagkaka flyover sa farm-to-market roads,” ayon kay Drilon.

Ipinaliwanag ni Drilon na kaya isinasagawa ngayon ang paghihigpit sa pagpapalabas ng pondo na siyang pangunahing reporma na isinasagawa ng administrasyon ay upang maiwasan ang ganitong katiwalian at tuluyan nang maisakatuparan ang pagpapaunlad ng kanayunan.

“Unang una, ang mahigpit na paglabas ng pondo, yun ay dahil sa first half nagkaroon ng pagbabago sa proseso. Halimbawa nung nakaraang administrasyon, kahit walang program of work may release of funds. Kaya maraming nilustay at ninakaw na pera ng bayan noon, bilyun-bilyon ang nawala,” ayon kay Drilon.

“Sa katunayan, ang budget ng Department of Agriculture nung nakaraang administrasyon tungkol sa farm-to-market roads ay P7.5 billion for six months na ating tinitingnan ngayon. Meron kaming mga naga-gather na ebidensya that these farm-to-market roads bago magpalit ng administrasyon, mahigit P7.5 billion ang ni-release na walang program of work,” paliwanag pa ni Drilon.

Sinabi pa ni Drilon na kasalukuyang nagsasagawa din ng reporma ang DA sa pagpapatupad ng farm-to-market road projects at iba pang imprastruktura sa sektor ng agrikultura upang tuluyan nang malutas ang problema sa pondo sa pamamagitan ng paggamit ng  Global Positioning System (GPS) bilang monitoring system sa lahat ng proyekto.

“Nakita na natin. Isa sa tinatanong ko noon yung farm-to-market roads, may item doon sa farm-to-market roads, kung ano ang mga prosesong kanilang sinusunod para mas sigurado na hindi muli malustay ang farm-to-market roads budget. Isa sa pinaliwanag sa atin, pinakita sa budget hearing, na mayroon silang GPS or sistema kung saan sa pamamagitan ng technology mababantayan nila na hindi magkakapatung-patong ang farm-to-market roads,” aniya. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply