Pabayang magulang sa ‘anak sa labas’ makukulong

PAGBABAYARIN ng estado sa pamamagitan ng pagkakakulong at pagmumulta ang sinumang magulang na magpapabaya sa inabandonang anak na ayaw magbigay ng child support o suportang pinansiyal sa bata kabilang ang tinaguriang “anak sa labas.”

Nakapaloob ang ganitong probisyon sa tatlong panukalang batas na nakatakdang dinggin ngayon ng Senate committee on youth, women and family relations sa pamumuno ni Sen. Pia Cayetano upang maituwid ang pagpapabaya ng magulang sa iniwang bata.

Nakapaloob sa Senate Bill NO. 1338 na inakda ni Sen. Loren Legarda at Senate Bill mno. 1515 na isinulong naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, ang Child Support Act o “An Act Penalizing Willful Failure to Pay Child Support Obligations.”

Sa panukala ni Legarda, makukulong nang mula anim na buwan hanggang anim na taon ang sinumang magulang na magkukulang sa pagbibigay ng suportang pinansyal sa loob ng isang taon o may atrasong sustento na aabot sa P50,000 o higit pa.

Bagama’t katulad din ng parusa sa panukala ni Legarda, nais naman ni Santiago na parusahan ang sinumang magulang na may atrasong P30,000 o higit pa at binigyan naman ng diskresyon ang korte na magdesisyon kung parehong parusa ang ipapataw sa nagkasala.

Parurusahan din sa dalawang panukala ang sinumang magulang na umiwas sa pagbibigay ng sustento sa pamamagitan ng pagbiyahe sa abroad sa loob ng dalawang taon. Ibinigay sa diskresyon ng korte ang parusang ipapataw sa nagkasala.

Nakatakda sa naturang panukala na ibig sabihin ng child support o support obligation ang tumutukoy sa halagang itinakda ng korte o napagkasunduan sa ilalim ng isang “binding contract” na dapat ipagkaloob sa bata bilang sustento.

“Tungkulin at responsibilidad ng Estado na ipagtanggol ang karapatan ng bawat bata upang mabigyan ng sapat na kalinga, pagh-aaruga at tamang nutrisyon, at makatanggap ng proteksyon laban sa anumang uri ng kapabayaan, pang-aabuso o diskriminasyon,” giit ni Cayetano.

Dagdag pa n’ya, hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon ang batas sa karapatan ng isang naabondang anak – maging lehitimo man ito o hindi – upang matamasa ang suporta mula sa kanyang magulang.

Kabilang sa mga naimbitihan ay ang mga kinatawan ng Department of Social Work and Development, Department of Justice, Public Attorney’s Office, Commission on Filipinos Overseas, Overseas Workers Welfare Administration, Bureau of Internal Revenue sa panig ng pamahalan; at Kanlungan Center Foundation, Blas F. Ople Policy Center, UP Center for Women’s Studies, Center of Migrant Advocacy at Employers’ Confederation of the Philippines sa panig naman ng non-government organizations at pribadong sektor.  Ernie Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply