Pabuya sa makapagtuturo sa nagnakaw sa forecasting equipment ng PAGASA

PABUYA para sa makapagtuturo ngunit kalaboso naman para sa nagnakaw ng weather forecasting at disaster monitoring equipment ng gobyerno.

Ito ang probisyong ipinasok ni AGHAM Partylist Rep. Angelo Palmones sa “Anti-Pilfereage Act of Risk Reduction and Preparedness Equipment 2011” matapos

mabatid na may ilang kagamitang hindi lamang sa Albay kundi sa Nueva Ecija rin ang pinag-interesan at ninakaw na.

Pabuyang mula sa P10,000 hanggang P50,000 ang isinulong ni Palmones para sa sinumang makapagtuturo o tipster sa nagnakaw ng naturang mga kagamitan.

Sa mga makikitaan naman at nagbebenta ng mga equipment na ito ay makukulong ng mula anim hanggang 10 taon at multang mula P500 hanggang P500,000.

Ayon kay Palmones, noong Nobyembre 2010 ay nawala ang kable na nagdurugtong sa water level sensor ng PAGASA na sumusukat sa lebel ng tubig sa ilog sa Brgy. Mayapyap, Cabanatuan.

Nitong nagdaang Agosto naman ay ninakaw ang kable ng seismic monitoring equipment ng PHILVOLCS na nakalatag sa paanan ng Bulkang Mayon sa Albay.

Paliwanag pa ni Palmones na halos wala namang halaga ang kable dahil hindi naman ito gawa sa copper at kung maibebenta naman ay posibleng umabot lamang ng P500 ngunit dahil sa hinila ang mga kable ay naapektuhan ang buong sistema ng PHILVOCS sa paligid ng bulkan.

Sinabi pa ng kongresista na kung papalitan ang gamit na nawala sa Cabanatuan ay posibleng umabot ito ng P500,000 samantalang P400,000 naman sa Albay.

Dahil dito, nanawagan si Palmones sa mga kasamahang kongresista na ipasa na ang panukala dahil apektado na rin aniya ang sistema ng PAGASA sa mga nabanggit na lugar.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply