Pag-asa sa paglutang ng submarino

ANG Pinoy ay hindi submarino na nakalubog nang malalim sa pusod ng karagatan – hindi nakikita ang punongkahoy sa dibdib ng kagubatan at gintong silahis ng araw sa pagsapit ng bagong umaga.

Alam ng Pinoy ang mabuti at masamang nangyayari sa paligid – may opinyon at reaksyon sa bawat isyu, lalo na kung apektado ang kanilang pamumuhay.

Isang magandang proyekto ng gobyerno ang CCT -Conditional Cash Transfer na nagbibigay ng ayuda sa mahihirap.

Lamang, ito ay hindi kayang tustusan ng gobyerno sa habang panahon.

Tiyak na darating ang takdang oras na hindi na ito makakaya ng gobyerno.

Bilyong piso ang inilaan ng gobyerno sa pantawid pamilya.

Hindi naman lahat ay nakatatawid sa tulay ng kahirapan.

Marami pa rin ang nahuhulog sa ilog ng paghihikahos hanggang sa tuluyang mabaon at hindi na makabangon mula sa burak ng karalitaan.

Sabi nga ng matatanda: “Anak, hindi sa habang panahon ay pwede kitang bigyan ng isda, kailangan ay matuto kang lumusong at mangapa sa ilog at sapa nang makahuli ka ng sariling isda.”

Kung ang bilyong pisong pondo ng CCT ay ibibigay sa kooperatiba at magtatayo ng small at medium-scale industry, baka magbago ang antas ng pamumuhay ng mahihirap.

Ang CCT ay simbolo ng katamaran na likas naman talaga sa mga Pinoy.

Ang mga ulat na korapsyon at katiwalian sa iba’t ibang sangay ng gobyerno – kailangan ay political will.

Hindi pwede na puro na lamang imbestigasyon at walang naparurusahan. Hindi pwede ang mabagal na gulong ng hustisya.

Hindi pwede na patay na ang akusado ay wala paring desisyon.

Ang pwede at dapat ay magkaroon ng sampol para makita ng bayan na seryoso at determinado ang administrasyon ni PNoy na sugpuin ang katiwalian. (ITUTULOY)

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply