Pagkalos sa ‘hao siao’ media sa BOC dapat lang

NILINAW ni Justice Secretary Leila de Lima ang plano ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Ruffy Biazon na tama lamang ang paglilinis sa mga “hao siao” na media sa kawanihan.

Ayon kay De Lima, hindi iyon maituturing na pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag.

Makatwiran lamang umano ang gagawing hakbang ni Biazon makaraang makatunog na may ilang indibidwal na nagpapanggap na mula sa main stream media para lamang maisulong ang kanilang mga hindi magandang gawain.

Kung nakakasagabal na rin aniya ang ilang taga-media sa maayos na trabaho ng BoC ay nararapat lamang na umaksyon na ang pinuno ng ahensya para hindi malagay sa alanganin ang kanilang operasyon.

Ang paglilinis sa mga pekeng media ay bunsod ng hinala ni Biazon na ilan sa kanila ay nagbibigay ng proteksyon para mailusot ang mga kontrabando.

Una rito, nanawagan si Biazon sa mga lehitimong media practitioners na tumulong din sa kampanya laban sa mga tiwaling mamamahayag na protector ng smuggling.

Nabanggit na rin ni Biazon na batid nitong maraming pekeng journalist ang ginagamit ng mga smugglers para makalusot sa BoC.

Ani Biazon, ito ang dahilan ng kanyang mensahe sa Twitter na umani ng iba’t ibang reaksyon.

Umaasa umano ang commissioner sa tulong ng mga lehitimong media practitioners para matukoy ang mga ‘hao-siao’ at matigil na ang kalakaran.

Tiniyak naman ni Biazon na hindi siya pape-pressure sa mga masasagasaang sangkaterbang mamamahayag na naglipana sa Customs.

Ang laban umano sa smuggling ay malawak na kampanya kung saan kasama sa hahabulin ang mga tiwaling opisyal ng BoC, tiwaling negosyante at tiwaling journalists.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply