Palafox binuweltahan ni Senador Angara

BINUWELTAHAN ngayon ni Senador Edgardo Angara si Architect Felino Palafox Jr., na nagsabi na ang senador ang siyang nakinabang sa Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority.

Kahapon ay sinampahan ni Palafox ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Office of the Ombudsman si Sen.Angara.

Iginiit ni Angara na P32 milyon ang ibinayad nila kay Palafox para lamang sa walang kakuwenta-kuwentang plano na ni-reject mismo ng tatlong ahensya ng gobyerno at ito ay ang Philippine Ports Authority, Civil Aviation Authority of the Philippines at ang Office of the Government Corporate Counsel.

Ayon sa senador, isang napakalaking pagkakamali na ma-award noong 2008 sa Palafox and Associates ang kontrata para sa pagbuo ng isang master plan sa Aurora ecozone dahil palpak ang ginawang plano ni Palafox para dito.

Sinabi ni Angara na malinaw na bina-blackmail siya ni Palafox dahil patuloy itong umaasa sa karagdagang P8 milyon para sa trabaho nito na wala naman umanong kwenta.

Isinisi rin ni Angara kay Palafox kung bakit lalong naantala ang proyektong APECO.

Mariing sinabi ni Angara na hindi para sa mga Angara ang proyekto kundi sa mga taga-Aurora at iba pang lalawigan.

Sa inihaing reklamo ni Palafox, lumabag umano sa Code of Ethics ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Angara nang payagan nito na maitayo ang APECO sa lalawigan ng Aurora kahit na malambot ang lupa doon at itinuturing itong flood at landslides prone area.

Sa inihaing reklamo ni Palafox ay nakasaad na may pansariling interes ang senador sa pagpayag sa proyekto.

Bukod kay Angara kabilang sa kinasuhan ay ang apat na board member ng APECO.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply