Palasyo pinaghihinay- hinay vs PALEA

UMAPELA ngayon si Senate Majority Leader Vicente Sotto III kay Pangulong Benigno Aquino III na maghinay-hinay sa paghahain ng kasong economic sabotage sa mga miyembro ng Philippine Airines Employees Association (PALEA) na nagwelga nitong Martes (Setyembre 27).

Ayon kay Sotto, karapatan ng mga miyembro ng PALEA ang pagwewelga alinsunod sa itinakda ng batas dahil iginigiit nila ang kanilang karapatan sa paggawa.

“Yung mga taong iyon, naghahanap-buhay lang ang mga yun, kawawa naman,” ayon kay Sotto.

Kahapon (Setyembre 28) ibinabala ni Pangulong Aquino na posibleng kasuhan ng economic sabotage ang PALEA matapos maparalisa ang operasyon ng Philippine Airlines (PAL) noong Martes kaya nakasenla ang 72 na domestic at international flights nito.

Umabot sa mahigit 14,000 pasahero sa domestic at international flights ang na-stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil nagwalk-out ang lahat ng ground crew at ticketing personnel sa terminal 2 ng paliparan.

Inirereklamo ng PALEA ang outsourcing scheme na ginawa ng management ng PAL kabilang ang puwersahang pagpapaalis sa kanilang puwesto habang isinasagawa ang welga katulong ang security guards ng PAL at Philippine National Police (PNP).

“Inalis na nga sa trabaho, kakasuhan mo pa,” himutok ni Sotto.

Naunang inatasan ni Pangulong Aquino ang legal team ng Palasyo na pag-aralan kung posibleng makasuhan ang miyembro ng PALEA na nagwelga.

Sinabi ni Pangulong Aquino na sa ngayon ay malinaw na labag sa Civil Aviation Act of 2008 ang pagwewelga ng mga miyembro ng PALEA.

Samantala, tumanggi naman si Sen. Franklin Drilon na magkomento kung nararapat na kasuhan ng economic sabotage ang mga miyembro ng naturang grupo dahil sa ginawa nilang pagparalisa sa operasyon ng PAL mula pa noong Martes ng umaga.

Si Drilon ay dating kalihim ng Department of Labor and Employment (Dole) noong administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino, kung saan naranasan din niya ang bantang welga ng mga empleyado ng PAL.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply