Pananalasa ng bagyong Pedring posibleng ala-Ondoy

NAGBABALA na si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos na iwasan muna ang maglakbay sakay ng sasakyang pandagat at lumabas ng bahay dahil posibleng magiging ala-Ondoy ang pananalasa ng bagyong Pedring na ngayon ay lumalakas pa.

Iginiit din ni Ramos na sundin ang direktiba ng mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang sakuna kasabay na rin ng kanilang target na zero casualty sa bagyo.

Sa report ngayon lamang, umaabot na sa 21,547 pamilya o katumbas ng 111,930 katao ang apektado ng bagyo partikular sa Albay mula sa limang mga bayan.

Sinuspinde na rin ng Department of Education (DepEd) ang afternoon classes ng pre-school, high school hanggang mga nasa kolehiyo sa National Capital Region, kabilang ang Metro Manila dulot ng pag-ulang dala ng bagyong “Pedring” na itinaas na sa signal no. 1.

Sa pinakahuling babala ng weather bureau, napanatili ng bagyong Pedring ang lakas nito habang patuloy na umuusad papuntang lalawigan ng Isabela at Aurora.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 110 kilometro bawat oras at may pagbugso ng hangin na umaabot ng 140 kilometro bawat oras.

Umuusad ito ng pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 17 kilometro bawat oras.

Inaasahan na tatama ang mata ng bagyo sa kalupaan Aurora-Isabela bukas ng umaga, Martes.

Itinaas naman ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration ang signal no.2 sa mga lalawigan ng Catanduanes, Sorsogon, Albay kabilang ang Burias Island,Camarines Sur, Camarines Norte,Quezon kabilang ang Polilio Island, Aurora,Quirino,Nueva Vizcaya, Isabela, Ifugao at Cagayan.

Signal no.1 sa Metro Manila, Masbate, Ticao Island, Marinduque, Batangas, Laguna, Rizal,Cavite, Bulacan, Pampanga,Nueva Ecija,Tarlac, Bataan,Zambales,Pangasinan,La Union,Benguet, Mt. Province, Ilocos Sur, Ilocoso Norte, Abra, Kalinga, Apayao, Calayan at Babuyan gruoup of Island.

Kanina rin ay umaabot sa 34 domestic flights ang kinansela dahil sa sama ng panahon.

Kabilang sa mga kinanselang biyahe ng eroplano ay patungo ng Masbate, Naga, Legaspi, Virac, Catanduanes, Calbayog at Cauayan.

Ayon sa record ng NDRRMC, kabilang sa mga kompaniya nagkansela ng kanilang biyahe ay ang Philippine Airlines na may dalawang flights, Air Philippines na may walong flights, Cebu Pacific 18 flights at Zest Air na may anim na mga apektadong flights.

Pinapayuhan naman ng airline company ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa susunod na available flights.

Maaari din umanong i-rebook ang kanilang biyahe.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply