Pangmatagalang kapayapaan hangarin ng MNLF sa Mindanao

IPINAHAYAG ngayon ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang kanilang hangarin kaugnay sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Ayon kay Cotabato City Vice Mayor at MNLF Chairman Datu Muslimin Sema, kahit hindi naisakatuparan nang lubusan ng mga nakaraang administrasyon ang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng MNLF na ginanap sa Tripoli, Libya noong 1996 ay handa silang tumulong sa paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa kapayapaan sa Mindanao.

Sinabi nito na kahit hindi lahat naimplementa ang mga nilalaman ng 1996 Tripoli Agreement sa pagitan ng gobyerno at MNLF ay hindi magiging balakid ito sa paghahanap ng Aquino administration ng kapayapaaan sa Mindanao.

Ang tinukoy ni Sema ay ang kasalukuyang pakikipag-usap ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang makamit na ang matagal ng hinahangad na kapayapaan ng Bangsamoro people.

Ayon kay Sema, kung kailangan ang tulong ng MNLF lalo na sa larangan ng pakikipagkasundo sa gobyerno dahil sa sila’y nauna ng lumagda ng peace agreement sa pagitan ng MNLF at ang nakaraang Ramos administration noong 1996, ito’y hindi nila ipagkakait.

Malakas ang paniwala ni Sema na mararating din ang pinal na kasunduan sa pagitan ng GPH at MILF na katangap-tanggap sa magkabilang panig at sa taong-bayan.

Subalit ayon sa kanya hindi siya pabor sa pagtatatag ng tinatawag na ‘sub-state’ na siyang isinusulong ng MILF dahil ang nasabing kahilingan ay hindi naaayon sa Saligang Batas ng bansa.

Dagdag pa ni Sema na kanyang inuulit ang pahayag ng Pangulong Aquino na lahat ng hakbangin ng pamahalaan, kung ang pag-uusapan ay ang pakikipagkasundo sa MILF, itoy dapat naaayon sa batas ng bansa. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply