Pamimigay pa ng PPP haharangin ng 1-UTAK

HAYAGANG tinutulan ng transport group na 1-UTAK ang plano ng Malakanyang na magbigay ng ikalawang Pantawid Pasada Program bilang ayuda sa mataas na presyo ng krudo.

Naniniwala Rep. Homer Mercado, ng 1-UTAK Party-list, ang PPP ay hindi solusyon sa napakataas na presyo ng mga produktong petrolyo dahil hindi naman ito pinakikinabangan ng mamamayan.

Ani Mercado, hindi naman sakop ng programa ang iba pang transport groups tulad ng mga pampasaherong bus na gumagamit rin naman ng krudo.

Mungkahi ng kongresista ay gawan ng paraan ng gobyerno na udyukan ang mga kompanya ng langis na ibaba ang presyo ng diesel at gamitin aniya ang windfall profit ng Expanded Value Added Tax (eVAT).

Ang 1-UTAK ay kasama sa ipinatawag na dayalogo ng Palasyo upang humanap ng iba pang solusyon sa serye ng oil price hike na masusundan pa ng singil sa toll.

Ganito rin ang pananaw ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano dahil ang PPP aniya ay hindi tugon sa mataas na presyo ng krudo kung hindi marapat na mag-rollback ng hanggang P9 bawat litro para mabawasan ang epekto ng madalas na oil price hike sa ekonomiya at sa kabuhayan ng mga Filipino.

“Hindi pampalubag loob ang hinihiling ng taumbayan kungdi seryosong aksyon para pigilan ang pagtaas ng presyo ng langis,” giit ni Mariano.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply