Panununtok ni Pangandaman iimbestigahan ng QCPD, Kamara

HINIHINTAY ng Quezon City Police District (QCPD) ang pormal na reklamo laban kay Lanao del Sur Representative Mohammed Hussein Pangandaman bago magsagawa ng karapat-dapat na aksyon laban sa mambabatas.

Ito ay may kaugnayan sa dalawang beses na panununtok ni Pangandaman kay Ricardo Bonayog, sekyu ng UP Ayala Land TechnoHub sa Lungsod Quezon noong nakaraang linggo.

Ayon kay Supt. Osmundo de Guzman, hepe ng QCPD Station 9, blotter pa lang ang kanilang pinanghahawakan matapos magsampa ng reklamo ang biktima laban sa mambabatas.

Batay sa police blotter, ipaparada na sana ni Pangandaman ang kanyang kotse sa parking lot ng TechnoHub nang parahin ng gwardiya upang inspeksyunin ngunit tumanggi umano ang kongresista na ipa-tsek ang mamahaling Porsche Carrera na may plate number na 8.

Sa halip na sumunod sa standard operating procedure (SOP) ng establisimyento, bumaba umano sa kotse ang kongresista at sinuntok ng dalawang ulit sa ulo ang gwardya dahilan para matumba ito.

Paliwanag naman ng kongresista, hindi niya binugbog ang sekyu kundi hinampas lamang niya ng papel matapos murahin at utusan ni Bonayog ang babaing parking attendant na alamin ang plate number ng kotse sa likod.

Nabatid na itinago sa media at publiko ang insidente upang protektahan at ingatan ang kredibilidad ng mambabatas.

Samantala, pinapaimbestigahan na rin ni House Deputy Speaker Lorenzo Tañada III ang nabanggit na insidente.

Giit ni Tañada, sakaling totoo man ang paratang laban kay Pangandaman, tiyak umanong makakasira ito sa imahe ng Kamara.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply