Parusa sa estudyante sa pagsasalita ng Filipino di dapat

NANAWAGAN ang isang mambabatas sa lahat ng pampublikong paaralan na gumamit ng iba’t ibang paraan ng pagpapalaganap at pagtuturo ng wikang English ngunit dapat umanong iwasan na parusahan ang mga mag-aaral na magsasalita ng Filipino sa loob ng paaralan.

Ayon kay Rep. Raymond Palatino (Party-list, Kabataan), nagsumite ng House Resolution 1567, na maraming paraan kung papaanong magiging epektibo ang pagtuturo ng Ingles nang hindi naman pinagsasawalang bahala ang paggamit at pagsasalita ng sariling wika.

Dagdag pa ni Palatino, may ilang panahon na ring pinapairal ang polisiyang pagbibigay ng parusa tulad ng pagmumulta, upang matutong magsalita ng Ingles ang mga mag-aaral.

“May mga guro rin na gumagamit ng pananakot at intimidasyon upnag mapilitang magsalita sa wikang Ingles ang estudyante habang ito ay nasa loob ng kanilang silid-aralan,” ayon pa kay Palatino.

Ayon pa sa mambabatas napapanahon na upang gumamit ang Department of Education (DepEd) ng mga paraan upang epektibong maituro at maipalaganap sa mga mag-aaral ang paggamit ng wikang Ingles nang hindi kinakailangang ipagbawal at magpataw ng parusa kapag nagsalita sa Filipino ang isang mag-aaral.

“Hindi sapat na dahilan ang pagsusulong ng salitang Ingles upang makasabay sa pagdaigdigang kumpetensiya ang bawat mag-aaral upang bigyang katwiran ang pagpapataw ng parusa sa mag-aaral na magsasalita sa wikang Filipino,” dagdag pa ni Palatino.

Nagiging sanhi umano ang pagpapataw ng parusa sa pagsasalita ng wikang Filipino upang isipin at tumimo sa isipan ng mag-aaral na ang wika natin ay hindi kasing halaga ng wikang Ingles.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply