Pasaway na barangay chairman sa Maynila

ANG kalye ay ginawa o idinesenyo upang daanan ng mga sasakyan at mga tao at hindi upang gawing basketball court upang bigyang daan ang luho o yabang sa katawan ng barangay chairman.

Sa Maynila, sa kanto ng Bambang Extension at Narra St., ipinatayo ni Chairman Darwin Sia ang kanyang legacy na basketball court. Katwiran niya, mabuting maglibang doon ang mga kabataan kaysa gumamit ng droga.

Tama sana ang kanyang layunin, lamang ay mali ang paraan na kanyang ginawa sa pagsasakatuparan ng kanyang nais na makapaglaro ang mga kabataan (isama na rin natin ang mga matatanda). Hindi naman tamang gawin niyang palaruan ang kalsada.

Kaya naman, marami ang nagrereklamo sa basketball court na nagsisilbing balakid sa pagdaan ng mga sasakyan sa nasabing lugar.

Maging ang mga residente na nais matulog ng maaga dahil may trabaho sila kinabukasan ay napupuyat dahil lampas hatinggabi na ay may naglalaro pa sa kalye at siyempre, hindi mawawala ang sigawan at palakpakan ng mga manonood.

Isa sa nagrereklamo ay ang may-ari ng Dynasty Tower dahil sa perwisyong ibinibigay ng court na ito sa tenants. Isa rin ang inyong lingkod sa nagrereklamo dahil sa minsan isang kaibigan ko ang dumaan sa lugar na lulan ng kanyang motorsiklo ang natumba matapos tamaan ng bola ng basketball na gamit ng mga manlalaro.

Nasaktan ang pobreng kaibigan ko at isang empleyado ng Dynasty Tower ang tumulong kaya’t nabatid na malaking perwisyo na ang nagagawa ng basketball court na handang ilaban ni Sia ng patayan.

Miyerkules ng umaga, nagtungo ang Pakurot sa Manila City Hall at hiningi ang tulong ni Ginoong Ric de Guzman, Chief of Staff (COS) ni Manila Mayor Alfredo Lim. Matapos malamang may reklamo, hindi nagdalawang-isip ang “action man” ng tanggapan ng butihing alkalde at mabilis na iniutos sa isa sa mga inhinyero roon na buwagin ang inirereklamong basketball court.

Sa pakikipag-usap sa mga nasa tanggapan ni COS, ramdam na ramdam ang lakas ni Sia sa mga tauhan na nandoon dahil tila ayaw ng mga itong kumilos at sinasabing malakas ito sa Barangay Bureau.

Subalit nakapagbitiw na ng salita si De Guzman na hindi puwedeng hindi buwagin dahil may reklamo.

Ani COS, pumapayag si Mayor Lim na maitayo ang mga basketball court sa kalye upang mapaglaruan ng mga kabataan at mamamayan kung walang reklamo. Ngunit kapag may rek-lamo, dapat na itong buwagin.
Tanghali pa lang, itinumba na ng mga tauhan ng Department of Public Safety (DPS) ang ring na nakatayo sa court. Kinuhanan ng larawan upang maipakita sa action man ni Mayor Lim na sumunod sila sa utos nito.

Kaya naman sa galit ni Sia, nagtungo ito sa Dynasty Tower sa kanto ng Abad Santos at Bambang at sinabihan ang isang janitor doon na walanghiya ang administrator doon na isang babae dahil ipinabuwag ang basketball court.

Ang terminong ginamit pa ni Sia ay inayos siya ng manager ng nasabing gusali.

Kung may utak ba naman itong si Sia, dapat ba niyang sitahin ang janitor?

Unang-una, hindi siya pine-personal ng manager na tinutukoy niya dahil ginagawa lang nito ang kanyang trabaho. At isa pa, hindi siya ang nakipag-usap kay COS para ipabuwag ang basketball court ninyo.

Noong may nadisgrasya bang motorsiklo sa lugar mo dahil sa may naglalaro ng basketball, umaksyon ka ba? Nang may delivery van na nabasag ang salamin dahil sa naglalaro ng basketball, nabayaran ba? Inasikaso mo ba? Ang kawawang driver ang nagbayad sa kanilang kompanya. Yan ba ang walang nagrereklamo?

Ipinaalam ko kay COS na tila pinagbabantaan mo ang manager ng Dynasty Tower. Aniya, hindi na ibabalik ang basketball court.

Naniwala ako dahil alam ko na ang salita at utos ni De Guzman ay batas sa Maynila dahil ang binibitiwan nitong salita ay para na ring nanggaling sa bibig ng “Ama ng Maynila.” (Itutuloy)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply