Pasay mayor’s clean team dorobo rin

HINDI lang Business Permit and License Office ng Pasay City Hall ang sagad sa kotongan kundi maging ang Mayor’s Clean Team (MCT) ni Mayor Antonio “Tony” Calixto.

At kung nais n’yong malaman kung totoong may pera sa basura, interbyuhin n’yo itong si Boknoy, ang pambato ng MCT na punum-puno rin ng lihim sa balat.

Kung inyong tatanungin kung magkano ang totoong kita sa basura ay tiyak ko na tatalikuran lang kayo nitong si Boknoy.

“Trade secret” daw niya ang paghahakot ng pera sa basura sa buong Pasay City. At siya lang daw ang nakaaalam nito kung paano ang diskarte.

Ito ang dahilan daw kung bakit kataka-takang pinadrinuhan si Boknoy ng isang talunang kandidato ni Mayor Calixto na ngayo’y isa rin sa mga sikat na dorobo sa City Hall.

Sa tulong ng kanyang padrino, binili raw nito ang kanyang puwesto sa MCT. Kung magkano at kung kanino niya binili, siguradong alam n’yo na kung ano ang sagot.

Kilalang-kilala kasi si Boknoy bilang isa sa mga “alipores” ni dating Mayor Peewee Trinidad. Sa katunayan, sumikat nga ang kumag na ito nang malagay sa telebisyon habang papasok ng isang motel gamit ang isang sasakyang may “pulang plaka.”

Siyempre, pumasok siya ng motel dahil may kasamang bayarang “tsitsing” na nakuha niya mula sa isang club sa Baclaran, Parañaque.

At paano niya nakayanang gastusan ang bar fine ng “tsitsing” sa kabila ng kakarampot na suweldong sinasahod niya mula City Hall?

Isa lamang ang sagot: ‘Yan ay dahil sa hinahakot niyang pera mula sa basura ng Pasay City. Ito ang dahilan kung bakit nga pinadrinuhan si Boknoy ng talunang kandidato ni Mayor Calixto.

Sa ngayon, may tinatanggap na parte ang talunang kandidato mula sa kabuuang koleksyon ni Boknoy sa kita ng basura ng Pasay kada linggo.

Simple lamang kung paano kumita ng limpak-limpak na salapi itong si Boknoy, mga katoto.

Lahat ng malalaking establisimyento sa lungsod – mula malls, hotels, motels, restaurants, at food chains – ay nagbibigay ng lingguhang “tong” dito kay Boknoy para hakutin ang kanilang basura.

Kinumpirma ito mismo ng madaldal na photographer diyan sa City Hall.

Katulad na lang halimbawa ng isang malaking hotel sa Villamor kung saan ay halagang P100,000 daw kada buwan ang koleksyon sa paghakot ng basura. Pero ang deklarasyon daw ay P50,000 lang, he he he! Ayos ba ito, pareng Ed Zacarias?

Sa simpleng salita: kung walang lagay, walang hakutan ng basura! Tiyak na babaho ang lugar ng negosyo mo at kinalaunan ay siguradong sisilipin ka ng mga buwitre sa City Hall!

Kinalaunan ay mapipiga ka ring magbigay ng “tong” dahil kung hindi, tiyak na mapeperwisyo ang hanapbuhay mo, di po  ba?

‘Ika nga, gisado ang negosyante sa sarili niyang mantika.

Ang paghahakot ng basura ay kasama sa mga serbisyong nakasaad sa binabayarang buwis ng negosyante kada taon.

Meron pa, ultimo mga sidewalk vendor na aking nakausap ay inirereklamo din itong si Boknoy.

Kaya’t bakit kinakailangang maglagay ang mga negosyante dito kay Boknoy? Bakit siya hinahayaan ni Mayor Calixto na gumawa ng ganitong sistema? Dahil ba sa padrino niya na ubod ng lakas daw kay mayor pero ubod din ng suwapang sa pera?
‘Yan ang mga tanong na aking tutumbukin sa mga susunod na upak natin. Magkabulgaran na, mga buwakanang-ina n’yo!

Anomang reklamo, komento o suhestiyon, mag-text o tumawag lang sa 09994333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply