Pasay mayor, police chief tig-isa ng tong collector

SINO itong sina Fernan at Jigs na kamakailan ay inikutan ang lahat ng club, KTV, sauna-spa at ultimo mga vendor sa bangketa ng lungsod at ubod na nagmamalaki na sila na raw ang kolektor nina Mayor Antonio Calixto at ang bagong hepe ng lokal na pulisya na si Senior Superintendent Melchor Reyes.

Si Fernan daw ang kay Mayor samantalang si Jigs naman ang kay Col. Reyes. Totoo ba ito, Mayor Calixto? Paano na ‘yung sinasabi mo noon na kailanman ay hindi ka magpapakuha ng “tong” sa mga club at KTV sa buong Pasay dahil mga bata mo na lang ang bahala doon?

Ayon sa nagbigay sa atin ng impormasyon, si hepe raw ang nag-request mismo kay Metro Manila police chief Gen. Alan Purisima na bigyan siya ng mga taong mapagkakatiwalaan sa koleksyon ng intelihensiya mula sa napakaraming “tabakuhan” sa Pasay City.

Kaagad naman daw inayunan ni Gen. Purisima ang hiling ni Col. Reyes dahil sa mga hindi pa nakaaalam, “bata” mismo ni Purisima itong si Reyes nang madestino ang una bilang police director ng Region 3. Totoo kaya ito General Purisima? Kaya mo ba ipinadala itong sina Jigs at Fernan na kilalang mga kolektor din ng “tong” ng National Capitol Regional Police Office (NCRPO) kung saan ka nakapuwesto bilang “hari” ngayon?

Palagay ko’y kapag nakarating ito mismo kay PNP chief Lt. Gen. Nicanor Bartolome ay tiyak na hindi siya sasang-ayon sa iyo. Iyan ay kung totoong  ikaw ang nagpadala kay Col. Reyes ng mga “tong” kolektor sa Pasay City!

* * * * * * * *

Ngayon ay hilong-talilong ang mga may-ari at operators ng club, KTV at sauna-spa sa Pasay City sa dami ng mga umo-orbit o kumokolekta ng lingguhang intelihensiya. At ang tinutukoy kong mga orbitero ay mula sa lokal na pamahalaan pa lang!

Kung dati ay mga bataan lang nina Boyet del Rosario ng Business Permit and License Office at Mandy Bernabe ng Office of the Mayor ang mga nagsisiikot kada linggo ay meron na ring “Batman & Robin” tandem of collectors sa katauhan nina Jigs at Fernan na para raw diumano kina mayor at hepe. He, he, he! Kung totoong humingi ng kolektor si mayor kay hepe, ano naman kaya ang dahilan? Dahil puro bukol ba ang inabot niya mula sa mga animal na bataan niya?

Aba, hindi biro ang presyo ng lingguhang intelihensiya kung para sa mayor at hepe din lang! Kapag pinagsama-sama ang halaga, sapat na ring pang-suweldo ito ng maraming ordinaryong trabahador sa loob ng isang buwan! Kawawa ang mga namumuhunan ng club at KTV sa Pasay City. Susuka ka na ng “goodwill money,” titirahin ka pa pagdating sa BPLO. Pagkatapos ay peperwisyuhin ka pa ng lingguhang “tong!”

Tsk, tsk, tsk! Baka tubuan na kayo ng bukol sa loob ng bituka niyan!

* * * * * * * *

WALANG kontrata diumano ang ginawang pakikipag-transaksyon nitong nagngangalang Niko sa mga kinatawan ng FEU at Asian Institute of Maritime-Pasay para gamitin ng kanilang mga estudyante araw-araw ang swimming pool ng Pasay City Sports Complex. Nasa P500,000 ang naging bunga ng pakikipag-transaksyon ni Niko sa dalawang nasabing eskuwelahan pero matapos daw magkabayaran ay hindi na nakarating sa City Treasurer’s office ang naturang pera.

Tanging si Niko, Jay at Cholo lang daw ang nakaaalam kung saan napunta ang bayad sa swimming pool at kung sino pang tinamaan ng lintek sa City Hall ang pinartehan nila sa nasabing halaga.

Maganda ang kasong ito dahil medyo naliwanagan ko na kung saan papunta ang “money trail” nito! Maging ang mabuti kong kaibigan na si Onyok Vendivel, na katatalaga pa lang sa Sports Complex bilang oversight director, ay nagulat nang tanungin ko hinggil sa isyung ito.

Abangan n’yo ito at tiyak na may matutumbok ako para sa inyo!

* * * * * * * *

Anomang reklamo, komento o suhestiyon, mag-text o tumawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y mag-e-mail sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply