Photographer at magaling na editor ang dapat sisihin.. di si Nora Aunor!

BAKIT si Nora Aunor ang sinisisi ng kung ano mang grupo na yon dahil sa litrato n’yang nagsisigarilyo siya? Hindi ba ang dapat batikusin ay yung magaling na photographer at mas magaling na editor na nagpasyang yun ang gamitin na cover ng magaling na magasin nila? Posible pa nga na walang malay si Guy na nakunan siya ng photographer na may hawak na sigarilyo.

Siguradong napakaraming kuha kay Guy ng magaling na photographer na yon at siguradong nakita ng magaling na editor na yon ang sangkatutak na kuha. At ayon sa paghuhusga ng mahusay na editor ang litratong yon ng Superstar ang pinakadramatiko at makakapagbenta ng libu-libong kopya ng magasin. Malamang ay wala siyang inisip na ibang puwedeng maging consequence ng pagpili n’ya ng litratong yon . At dahil sa kontrobersyang nilikha ng cover photo na yon, malamang ay mabebenta lahat ng kopya ng magasin. Baka nga biglang magpa-reprint pa ang kumpanya ng dagdag na kopya!

Kaya bakit si Guy ang binabatikos dahil sa cover na yon? Dapat ang magasin ang putaktihin ng batikos.

Pero dapat bang ipa-ban ang isyu na yon ng naturang magasin?

Hindi dapat. Censorship na yon pag ipina-ban ang isyu. Paglabag sa karapatan ng pagpapahayag.

Ang dapat lang ay ipamarali ng magasin na sila ang may ideya, sila ang nagpasya, na ang litratong yon ni Guy ang gamitin sa kober.

***

WALA naman palang problema kung mag-Tagalog (Filipino) si Sen. Lapid sa Senado pag nakipagdebate siya tungkol sa RH Bill. Kapuri-puri nga siya sa pag-amin n’ya na di siya bihasa sa Ingles. At okey lang nga na gamitin ang Tagalog para sa intelektwal na diskusyon. Okey din na haluan ng Ingles ang diskusyon para sa mga terminong wala pang katumbas sa wika natin.

Para sa amin, ang problema ay ang stand ni Sen. Lapid na anti-RH Bill. May Tagalog version ba yon na lubusan n’yang naintindihan bago siya nagpasyang tutol siya sa panukalang batas na yon? Mas gusto ba talaga n’yang lumala pa ang problema natin sa overpopulation pag di naaprubahan ang RH Bill?

Ewan kung anu-anong alak ang in-endorse noon ni Sen. Lapid nung sikat pa siyang artista. At kaya namin inuungkat ang alak ay dahil sa research findings na sa mga probinsya at naghihikahos na lugar, kapag nakainom na ang mga mister, pinupuwersa nila ang mga misis nila na makipagtalik sa kanila. Wala silang pakialam kung fertile ang misis nila. Walang silbi ang ano mang natural birth control method sa mga naka- inom at nag-iinit na mister! At malamang na 50 porsyento ng mga nabubuntis na minors ay nakainom at ganu’n din naman ang mga lalakIng nakabuntis sa kanila. Sana, lahat ng kumpanya ng alak ay ipabatid sa mga senador natin na pabor sila sa RH Bill kaya’t dapat ay ipasa ito ng senado.

Isa sa probisyon ng RH Bill ay gawing responsibilidad ng gobyerno ang pagtulong at pagsuporta sa mga misis na makagamit ng mas mabisang paraan–natural man o artipisyal–para maiwasan ang pagbubuntis nila sa panahong di pa favorable na magdalantao sila at madagdagan ang kanilang anak. Pills ang isang mabisang solusyon para di mabuntis ang mga misis na pinupuwersang makipag-sey ng mga mister nilang nag-init dahil sa alak.

Hindi lamang mga aktor ang nag-e-endorse ng alak, kundi pati na mga aktres. Dapat, lahat din ng mga aktres na endorser ng alak ay maging pro-RH Bill. Isa ru’n si Anne Curtis, isa sa pangunahing bituin ng pelikulang “No Other Woman” na palabas na ngayon. Sana pro-RH Bill siya at ipamarali n’ya yon sa press para maengganyo ang mga senador na paboran din ito kapag nagbotohan na sila para sa importanteng bill na iyon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply