Pilipinas bird flu-free pa rin– DOH

TINIYAK ng Department of Health (DOH) na nananatiling “bird flu-free” pa rin ang Pilipinas, sa hayop man o sa tao.

Ang pahayag ay ginawa ni Dr. Lyndon Lee Suy, program manager on Emerging and Re-emerging Infectious diseases ng DOH, kasunod ng ulat na may panibagong strain ng bird flu o H5N1 na nadiskubre sa China at Vietnam.

“Hanggang ngayon ay ini-enjoy natin (Pilipinas) ang bird flu free status,” pagtiyak ni Lee Suy.

Siniguro rin ni Lee Suy na hindi sila nagpapabaya at mahigpit nilang minu-monitor ang banta ng bird flu upang matiyak na hindi ito makapapasok sa bansa.

Naniniwala rin si Lee Suy na posibleng ang bagong strain ay ang dati ring strain ng sakit bagamat naging mas malakas lamang ito sa ngayon.

Nagagamot naman aniya ang naturang sakit ngunit inaming mataas ang mortality rate nito.

Ang H5N1 aniya ay virus na nakukuha mula sa ibon gaya ng migratory birds at mga alagang hayop tulad ng bibe at manok.

May kakayahan aniya itong i-transmit mula sa hayop patungong tao. Kapag ang mga alagang manok na nahawaan ng sakit na ito ay bumahing at hinawakan ng tao ang mga bagay na tinamaan ng secretions na mula sa bahing nito.

Nilinaw naman ni Lee Suy na hindi nasu-sustain ang ‘human to human transmission’ ng sakit.

Ilan sa sintomas ng bird flu ay trangkaso, lagnat, pananakit ng katawan, ubo, sipon at mga respiratory problem.

Iginiit rin ni Lee Suy na alinsunod sa batas, hindi pinapayagan ang pag-aangkat ng mga hayop mula sa bansang nag-report ng bird flu sa kanilang lugar.

Aniya pa, ang virus ay hindi naman maaaring maka-survive ng matagal sa labas ng katawan ng isang hayop na mayroon nito.

Dapat aniyang tiyaking lutong mabuti ang mga karne ng livestock na bibilhin, lalo na kung ito ay inangkat mula sa ibang bansa, upang matiyak na mamamatay ang anumang virus na posibleng taglay nito.

Sinabi rin ng DOH official, bukas (Biyernes, Setyembre 2) ay nakatakda silang magpulong kasama ang Philippine Inter-Agency Committee on Zoonoses kung saan partikular na tatalakayin ay ang paglalatag ng preparedness plan kontra sa bird flu.

Kabilang sa nasabing committee ang Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources at Bureau of Animal Industry na mahigpit na nagmo-monitor upang hindi makapasok sa bansa ang mga livestock na mula sa mga bansang apektado ng bird flu.

Una nang sinabi ng mga virologist na wala pang bakuna laban sa mutant strain ng bird flu na H5N1 na sinasabing kumakalat ngayon sa China at Vietnam.

Bagamat mayroon umanong inirerekomendang bakuna ang World Health Organization (WHO) laban sa bird flu ay hindi naman sigurado na mapoprotektahan nito ang mga taong may bakuna laban sa bagong strain.

“H5 viruses keep changing and we have to change the vaccine strain,”  ayon pa sa WHO.

Sa datos ng WHO, nabatid na 60 porsiyento ng mga biktima ng H5N1 ay namamatay.

Nitong nakalipas na buwan ay naitala ang bagong kaso ng bird flu sa Cambodia kung saan walong katao ang namatay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply