Pilipinas paraiso sa kababaihan

NAGING laman ng mga balita nitong nakaraang mga huling araw ang kababaihang Filipino.

Una ay na-headline ang isang Filipinang mula sa General Santos City, Katimugang Pilipinas nang tanghaling third runner-up sa Miss Universe 2011 Beauty Pageant sa Sao Paulo, Brazil dahil sa kanyang pambihirang talino at kagandahan.

Nanguna siya sa online survey sa buong mundo sa pagsisimula ng contest.

Siya ay si Shamcey Supsup, nagtapos ng kursong Arkitektura sa UP-Diliman nang magna cum laude at pumasa bilang topnotcher sa Architecture board examinations.

Binati siya ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III (na isang binata) na paalis noon na patungong US, sa VIP Room ng Ninoy Aquino International Airport nang magbigay-galang sa kanya ang 25 taong dalaga na kararating din lang noon mula sa Brazil.

Tinawag siya ni PNoy na isang Filipinang “may ganda at utak.’

Sumunod dito ang isa pang balita na ini-report ng ahensiya ng United Nations na nagsasaad  na nahinto ang ubusan ng lahi sa isang bayan sa North Cotabato, Mindanaw nang magbanta ang mga kababaihan doon na hindi makikipagtalik sa kani-kanilang mga asawa kapag hindi nila ititigil ang pakikipagpatayan sa isa’t isa.

Dahil sa banta ng mga kababaihan, nanumbalik ang kapayapaan sa lugar nang piliin ng mga kalalakihan ang pagtabi o pagsiping sa kanilang mga misis kaysa makipag-ubusan ng lahi.

Dahil sa “welga sa sex’’ ng mga mga ginang, noong nakaraang  Hulyo nanumbalik ang kapayapaan sa baryo ng Dado nang itigil ang putukan doon ng magkakalabang paksiyon ng mga barako at uragon sa takot na ma-outside de kulambo ng kanilang mga misis.

Iniulat ni Rico Salcedo, pambansang pinuno ng United Nations High Commissioner for Refugees na nawala ang tensyon sa baryo, bagay na nagbigay daan sa pag-unlad sa lugar.

Sinabi ni Salcedo sa Agence France Presse na ang sex strike o welga sa pakikipagtalik ay ideya mismo ng mga kababaihang may  mga patahian sa nayon subalit hindi makapag-deliver ng kanilang pro-dukto sa mga pamilihan dahil sa mga kaguluhan sa mga daan.

Tama si Francisco “Balagtas” Baltazar, ang pinakadakilang makatang Filipino sa kasaysayan, nang kanyang sabihing: “O Pag-ibig pag ikaw ay nasa sa puso ninuman hahamakin ang lahat masunod ka lamang.’’

Samantala, itinala ng Newsweek ang Pilipinas na pang-18  sa 20 mga bansa na pinakamabuting panirahan ng mga kababaihan.

Saklaw ng pag-aaral ang 165 bansa sa buong mundo.

Sa mga nangunguna, Pilipinas lamang sa buong Asya ang nakapasok sa “Magic 20.”

Nangangahulugan ito na maganda ang trato sa mga kababaihan sa Pilipinas na kung saan sila sa kalahatan ay nirerespeto at binibigyan ng mga karapatan at pagkilalang kapantay ng sa mga kalalakihan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply