Pinay pinatay ng asawang Kano sa Florida, USA

KINUMPRIMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may natanggap silang ulat na pinatay ng isang 68-anyos na American national ang 21-anyos na asawang Filipina sa hindi pa batid na dahilan nitong Sabado (Setyembre 17) sa Florida, Estado Unidos.

Batay sa ipinalabas na impormasyon ng DFA, kinilala ang biktima na si Carhina de Leon-Floerchinger habang ang suspek ay si Guenther Floerchinger.

Sa ulat na nakarating sa DFA, tahimik ang buhay ng mag-asawa mula nang sila ay ikasal at magsama noong 2010 kaya’t maraming kakilala nila ang nabigla nang patayin ng asawa ang misis sa pamamagitan ng pagbaril.

Ayon sa mga magulang ng biktima na sina Robert de Leon at Lilia de Leon, nagkilala ng kanilang anak ang suspek sa internet noong 2010 at kaagad na nagpakasal kahit na may anak sa pagkadalaga ang biktima at nanirahan sa Estados Unidos.

Sa imbestigasyon, nagulat ang mga kapitbahay nang makarinig ng putok ng baril sa bahay ng mga Floerchinger.

Hindi umano nakarinig ng anumang pag-aaway ang mga kapitbahay kaya’t malaking katanungan sa kanila kung ano motibo ng suspek sa pagpatay sa misis.

Nagawa pa umanong tumawag ng suspek sa 911 upang ipabatid ang nagawa sa asawa at ang planong pagbabaril sa sarili.

Nauna rito ay sinunog pa ng suspek ang kanilang bahay subalit naagapan lamang ng mga taga-pamatay sunog.

Kasalakuyang nasa pangangalaga ni Michelle Vamos, Pinay na kaibigan at kapitbahay ni Carhina doon, ang anak nito.

Ayon kay Michelle, nasa mabuting kalagayan na ang naulilang anak ng kaibigan ngunit patuloy ang paghahanap nito sa kanyang ina.

Nag-alala naman ang pamilya ni Carhina sa Pilipinas kung papaano maiuuwi ang mga labi ng kanilang anak at pati na rin ang kanilang naulilang apo.

Nangako naman si Foreign Affairs Spokeperson Raul Hernandez na tutulungan nila ang pamilya upang maiuwi ang labi ni Carhina at ang anak nito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply