PMA itinurong ugat ng korapsiyon sa AFP, PNP

ITINUTURING ng isang senador na walang ibang ugat ang talamak na takipan sa korapsiyon at katiwalian sa militar at pulisya kung hindi ang maling pamamaraan ng paghubog ng kadete sa Philippine Military Academy (PMA).

Ganito ang pakiwari ni Sen. Panfilo Lacson, miyembro ng PMA Class ‘71, kaya nagiging tikom ang bibig ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia dahil nahubog ang dating heneral sa maling panuntunan ng PMA hinggil sa konsepto ng “squealing.”

Aniya, dapat baguhin na ng mga PMAer ang maling konseptong ito dahil hindi ito nakakatulong para malinis ang hanay ng AFP at PNP mula sa mga kasamahan nilang nawalay ng landas.

“Nananawagan ako sa aking mga cavaliers – dapat ay alisin na namin ang maling concept ng “squealing” na natutuhan namin sa PMA nung mga kadete pa kami. Ang ‘popping out’ or pag-squeal sa kapwa ay applicable lamang sa offense na ‘hazing’ pero kapag ‘honor violation’ ang involved, kami ay honor bound to report such violation,” paliwanag ni Lacson.

“Kaya, kapag corruption o election cheating ang nasaksihan o natuklasan ng isang PMAer na kinasangkutan ng isang PMAer, we are all honor bound to report the same without hesitation or fear of being accused of popping out or squealing,” dagdag pa niya.

Inihayag pa ni Lacson na ang ginawang pagpapakulong ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Oban kay Garcia mula sa kasong nadesisyunan noon pang 2005 ay isang ehemplo na nilulusaw na ng bagong liderato ng AFP ang takipan sa mga kapwa opisyal ng sandatahan maging ito man ay retirado na.

“Iyan ay palatandaan na seryoso na ang pamunuan ng defense department at AFP para tugunan ang problema ng kultura ng pagtatakipan sa kapwa opisyal,” ani Lacson. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply