PNoy kay Bartolome: Personalin ang pagtugis sa mga kriminal

HINAMON ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III si bagong PNP chief Nicanor Bartolome na gawing personal ang pagtugis sa mga kidnapper, carnappers at iba pang criminal elements.

Kahapon (Huwebes, Setyembre 8) ay pormal na nanumpa si Bartolome bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) kapalit ni outgoing Director General Raul Bacalzo.

Binigyang diin ng Chief Executive na buo ang kanyang tiwala sa kakayahan ni Bartolome at umaasang hindi nito bibiguin ang mga boss.

“Hinihikayat kitang (Bartolome) ituring na personal na adbokasiya ang mas masigasig pang pagtugis sa mga kidnapper, carnapper, at iba pang mga masasamang elemento ng ating lipunan,” Pahayag ni Pangulong Aquino.

Umaasa aniya siyang iiral ang kultura sa PNP na hindi lamang tumatanggi sa suhol ang mga pulis kundi pinoposasan ang mga nagtatangkang bilhin ang kanilang prinsipiyo at dangal.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Pangulong Aquino na wala siyang masabi kundi kuntento siya sa naging performance ni Bacalzo.

Para sa Punong Ehekutibo, naging epektibong lider si Bacalzo at naisagawa ang mga kinakailangang inisyatiba kung saan napataas ang morale ng PNP.

Sa panahon umano ni Bacalzo, naibaba ang kaso ng carnapping, napigilan ang mga pag-atake ng NPA at payapang naresolba ang hostage crisis sa Agusan del Sur kung saan binihag ang mahigit 15 katao.

Unti-unti na rin umanong nawawala ang kultura ng “wang-wang.”

“Ito ang tinutukoy kong tagumpay kay Heneral Bacalzo. Tiyak kong ang legasiyang iniwan mo bilang pinuno ng PNP sa loob lamang ng halos isang taon ay tatatak at mabubuhay sa mas mahabang panahon,” wika ni Aquino.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply