PNoy, Lacierda et al: Gawing tsuper na magbabawndari

KATAKOT-TAKOT na pananakot ang ginagawa ng mga onorabol laban sa mga magwewelgang tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan bukas.

Tatanggalan umano nila ng prangkisa ang mga lalahok sa welga.

Rason ng mga onorabol na ito, pribilehiyo lang umano ang prangkisa at dahil dito, pupuwedeng bawiin ng pamahalaan enitaym na gusto nito.

Sa palagay ba ng mga onorabol na ito, eh, solb ang problema sa alis-prangkisa?

oOo

Meron lang tayong mungkahi na mangyari.

Alisin lahat sa Malakanyang ang mga onorabol na nananakot sa mga tsuper at operator mula kay PNoy at Lacierda hanggang sa mga opisyal diyan sa Department of Energy at Bureau of Internal Revenue.

Gawin natin silang tsuper at operator ng mga dyipni at traysikel.

Obligahin natin sila nang maghapon o magdamag na mamasada kahit limang taon lang dahil may limang taon pa silang manunungkulan.

Tingnan lang natin kung hindi sila lalamunin ng mga kompanya ng langis, kotong cop, terminal nina mayor, kotong traffic enforcer, mahal na lisensiya ng drayber, mahal na piyesa ng sasakyan at iba pa.

At tingnan lang natin kung hindi sila magugutom, hindi mapag-aaral ang kanilang mga anak, hindi makapag-paospital kapag magkakasakit, hindi maputulan ng kuryente at tubig, hindi mapalayas sa inuupahang bahay at iba pang kamalasan.

oOo

Pagkatapos nito, tatanungin natin ang mga diyaskeng ito kung hindi sila magwewelga.

At kung magwewelga sila dahil sa gutom at hirap at aalisan sila ng prangkisa para tuluyan na silang magutom at maghirap, ano kaya ang mangyayari?

Hindi kaya maiisipan ng mga ito ang magbigti na lamang? Belaaat!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply