Pondo para condom di na ibibigay ng UN

HINDI na magbibigay ng United Nations (UN) ang pinansyal na tulong sa Pilipinas para ipambili ng condom at contraceptive pills simula sa susunod na taon, ayon kay Iloilo Rep. Janet Garin.

Ikinatuwa naman nina Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. at Lipa Archbishop Ramon Arguelles ang pahayag.

Sinabi ni Bacani na ito ay patunay lamang na humihina ang puwersa ng mga nagsusulong ng RH bill sa Estados Unidos at sa iba’t ibang panig ng mundo kaya wala nang maipagkakaloob na tulong-pinansyal ang UN sa Pilipinas.

Ayon pa sa arsobispo, ang naturang tulong ay hindi kailangan ng Pilipinas dahil hindi naman isyu sa mga Filipino ang paglaki ng populasyon at sa halip mas kailangan ng mga tao ang kabuhayan at trabaho na siyang makakasagot sa kanilang pangangailangan.

“I am happy about it. At patunay lang din ito na talagang lumalakas ang mga pro-life advocates sa US at maging dito sa Pilipinas,” pahayag ni Bacani sa isang panayam sa Radyo Veritas.

Hindi naman umano ikinagulat ni Arguelles ang balita.

Aniya, napagod na ang UN sa kabibigay ng pondo para ipangpatay ng mga sanggol gayung wala naman silang napapala dito.

“Kaya ang publiko, tayong mga taxpayers, ang higit na magbantay ay tumututol na huwag isabatas itong RH bill dahil kukunin nila sa buwis natin ang ilalaan nila sa RH bill,” ayon kay Arguelles sa panayam sa parehong istasyon ng radyo.

Umaasa si Archbishop Arguelles na isa-isa nang bibitaw ang mga anti-life congressman ang pagsusulong ng RH bill dahil wala na silang makukuhang ayuda mula sa United Nations.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply