Problema sa under-employment tutugunan ng Dole

UPANG matugunan ang problema sa job-skill mismatch o under-employment, tinatarget ngayon ng Department of Labor and Employment (Dole) ang mga estudyante sa high school sa buong bansa para sa mas epektibong pagpili ng kursong magdudulot ng “tamang trabaho” para sa kanila o pagpili sa kursong kailangan ng mga industriya sa bansa.

Ayon kay Labor Undersecretary Danilo Cruz, nagsasagawa ang kanilang ahensya ng career at employment guide counseling para sa mga mag-aaral ng third at fourth year sa high school.

“Ito ay kung papano natin matuturuan nang maayos na pagpapa-plano ng kanilang career ang ating mga kabataan at yaong mga kursong kukunin nila ay talagang tutugma sa mga trabahong kakailanganin natin sa mga susunod na taon,” ani Cruz.

Ayon pa sa  opisyal na sa pamamagitan ng tamang career coaching, lalong epektibong mapipili ng mga estudyante ang kursong kukunin sa kolehiyo na pinaka-akma sa kanilang interes, kakayahan, kaugalian, at abilidad.

Aniya, sa pamamagitan ng naturang serbisyo, mas mapupunan din ang mga trabahong higit na in-demand sa mga susunod na taon ng mga kuwalipikadong aplikante kaya  mababawasan ang problema ng job-skill mismatch sa bansa.

Tiniyak ng opisyal na patuloy ang koordinasyon ng Dole sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Commission on Higher Education (Ched) para matukoy at mabantayan ang mga kursong malabo nang makapagbigay ng trabaho sa mga Pinoy sa hinaharap.

Bukod pa rito, inilahad din ni Cruz ang mga kursong bebenta sa mga susunod na taon dahil sa pagiging in-demand ng mga ito gaya ng sa mining, aeronautics, geology at software engineering. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply